bro marianito

Hindi tayo pababayaan ng Diyos

427 Views

Sa harap ng mga pang-uusig sa atin ng ibang tao. Hindi tayo pababayaan ng Diyos (Lucas 21:17-19)

“Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin. Ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay,” (Lucas 21:17-19)

NAAALALA ko sa Talatang ito mula sa Sulat ni San Lucas nang minsan magtalo kami ng aking maybahay. Kinukuwestiyon niya kasi kung bakit daw ako kailangan maghapon na mag-serve sa Santo Domingo Church bilang isang Lay Minister o yung nagbibigay ng Banal na Komunyon sa Misa tuwing Linggo.

Kapag Linggo nagsisimula ang aking tungkulin bilang Lay Minister mula Alas-Nuwebe ng umaga hanggang Alas-Siyete ng gabi.

Ang sabi niya puwede naman daw na isang oras lang akong mag-serve sa Misa o kaya naman ay sa umaga lamang. At pagdating ng hapon ay umuwi na ako ng bahay upang makasama ko naman sila sa araw ng Linggo.

May katuwiran ang aking maybahay. Gayunman, ipinaliwanag ko din sa kaniya na nakakasama ko naman sila sa loob ng anim na araw mula Lunes hanggang Sabado. Magkasama kami sa buong maghapon sa loob ng anim na araw.

Ngunit ang araw ng Linggo, ipinaliwanag ko pa sa aking maybahay ang natatanging araw upang makapag-lingkod sa ating Panginoong Diyos. Sapagkat ang araw ng Linggo ay ang araw na nakalaan para sa kaniya o “The Lord’s Day”.

Kaya kung maaari ay ipaubaya na niya ang araw ng Linggo para sa ating Panginoon upang magampanan ko din ang aking obligasyon at bokasyon sa Diyos bilang kaniyang lingkod. Dahil isang araw lang naman ang kailangan nating iukol para sa ating Poong Maykapal.

Hindi lang naman kasi sa pamilya ang ating obligasyon. Kundi may obligasyon din tayong kailangang gampanan para sa Panginoong Diyos bilang kaniyang lingkod. Lalo na kung ang Diyos mismo ang tumawag sa atin para siya ay paglingkuran.

Minsan, ito ang hindi maunawaan ng ating kapamilya o mga mahal natin sa buhay. Hindi nila maunawaan ang ating paglilingkod sa Panginoong Diyos na dapat sana’y sila ang unang makakaunawa sa atin.

Ganito ang mensahe ng Pagbasa (Lucas 21:17-19) nang ipangaral ni Hesus na “kapopootan tayo ng lahat dahil sa pagsunod natin sa kaniya”. Sapagkat may ilang tao talaga ang hindi nakakaintindi sa ating bokasyon o ang pagtawag sa atin ng Panginoon para maglingkod sa kaniya.

Ang tanong lamang dito ay tatalikuran ba natin ang paglilingkod sa ating Panginoong HesuKristo dahil lamang inuusig tayo at napopoot sa atin ang ating sariling pamilya?

Tandaan lamang natin na maging si Hesus ay hindi nakaligtas sa pang-uusig ng mga tao nuong panahon niya. Dahil ang kaniyang sariling mga kamag-anak ay inakalang siya’y nasisisraan ng bait.

“Nang mabalitaan iyon mg kaniyang mga kamag-anak. Pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya’y nasisiraan ng bait”. (Marcos 3:21)

Naging masalimuot man ang sitwasyon ng ating Panginoong Hesus sa pagganap niya ng kaniyang tungkulin hindi siya pinanghinaan ng loob, bagkos ay nagpatuloy siya sa kaniyang misyon.

Ganito rin ang itunuturo sa atin ng Mabuting Balita (Lk. 21:12-19) na kailangan nating mag-pokus sa ating obligasyon at bokasyon sa Diyos dahil dito niya tayo tinawag. Kung magpapadala tayo sa mga negatibong salita na ipinupukol sa atin, maaaring talikuran na natin ang ating tungkulin sa ating Panginoon.

Kahit ano pa ang sabihin ng mga kamag-anak at kaibigan natin tungkol sa ating mga gawain sa Simbahan alalahanin natin na ang Panginoon mismo ang tumawag sa atin para dito kaya walang dahilan upang tayo ay mabagabag.

Tinitiyak din sa atin ni Hesus sa harap ng mga paninira at pang-uusig laban sa atin siya ang unang unang magtatanggol sa atin dahil hindi niya hahayaang tayo ay mapahamak.

“Ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok”. (Lk. 21:18)

Manalangin Tayo:

Panginoong Hesus. Tulungan mo po kami na magpatuloy sa aming obligasyon sa Simbahan sa harap ng mga pang-uusig. Sapagkat batid namin na hindi mo kami pababayaan.

AMEN