BIR

Hinihingi ng BIR para sa CTE pinalagan

30 Views

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ang requirement ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagbabanta sa tax exemption privileges ng mga kooperatiba.

Partikular na tinukoy ng senador ang requirement na ang mga miyembro ng kooperatiba ay kailangang magpakita ng Tax Identification Number (TIN) bago makakuha ng Certificate of Tax Exemption (CTE).

Ayon sa Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 124-2020 ng BIR, ang rekisito na magkaroon ng TIN ay nakabatay sa probisyon ng National Internal Revenue Code na nagsasaad na ang sinumang tao na kailangang gumawa, magsumite, o maghain ng return, statement, o ibang dokumento ay dapat magkaroon ng TIN.

Pero ipinunto ni Gatchalian na ang pagsusumite ng TIN mula sa lahat ng miyembro ng kooperatiba ay hindi kinakailangan para sa tax exemption alinsunod sa Articles 60 at 61 ng Philippine Cooperative Code of 2008. “Nanganganib ang pagbibigay ng tax exemption sa ilalim ng batas para sa mga kooperatiba dahil sa sinasabing requirement ng BIR,” ani Gatchalian, kasunod ng kanyang paghahain ng Senate Resolution 1236 upang tugunan ang naturang isyu.

Sinabi din ng senador na karamihan sa mga miyembro ng rehistradong kooperatiba ay mga indibidwal mula sa informal sector na madalas ay hindi nakikita ang pangangailangan na kumuha ng TIN.

“Ang mga kooperatiba ay idinisenyo upang bigyan ng kapangyarihan ang ating mga mahihirap na kababayan, lalo na ang mga nasa impormal na sektor. Ngunit ang requirement ng BIR ay nagdudulot ng kalituhan. Halimbawa, kung ang iyong mga miyembro sa kooperatiba ay mga market vendor, hindi mo sila basta mapipilit na kumuha ng TIN,” paliwanag niya, sabay banggit ng mga reklamo mula sa mga kooperatiba sa Valenzuela.

Ayon sa chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, may mga ulat din na ang ilang Revenue District Offices (RDOs) ay tumatangging tumanggap ng TIN applications mula sa mga kooperatiba.

Mayroon din umanong mga RDO na nagtatakda ng limitasyon sa bilang ng TIN applications na maaaring iproseso ng isang kooperatiba sa isang araw, na mas binibigyang-priyoridad ang ibang mga taxpayer.

Dagdag pa rito, binigyang-pansin ni Gatchalian ang problema sa hindi pagiging available at madalas na downtime ng online registration at update system ng BIR, na humahadlang sa mga kooperatiba na iproseso ang TIN applications para sa kanilang mga miyembro.

Inaatasan din ng BIR ang mga kooperatiba na kumuha ng wastong awtorisasyon mula sa mga miyembro bago sila makapag-apply ng TIN.