Calendar
Hirap sa pagpapatayo ng dream house inisa-isa ni Jak
Aminado si Jak Roberto na talagang hindi madali ang pinagdaanan niya para lang maitayo ang pinangarap niyang sariling bahay.
Matatandaan nga na nitong nakaraang Marso, ipinasilip ng Kapuso actor ang construction update ng kanyang dream home na aniya ay 95% finished na.
Ayon kay Jak sa latest interview sa kanya ng GMA network, talaga raw hindi naging biro ang challenges na naranasan niya sa pagpapatayo ng pangarap na tahanan.
“Kung iisa-isahin ko, baka bukas tayo matapos dito. Pero ito lang lagi kong sinasabi pagka may bisita ako or ‘yung mga ka-close ko ‘pag nakaupo na kami roon sa bahay, especially du’n sa dining area. Parang sinasabi ko dati hindi ko alam kung matatapos ba ito. Kasi nagsimula siya, nakita ko from lupa pa lang, tapos naging structural na rough finish.
“Tapos ako na talagang nag-outsource ng mga bintana, pinto, tiles. Tapos hindi lang ‘yun isipin mo ‘pag nagpagawa ka ng bahay, gastos na. Stress pa!” aniya.
“Sobrang challenging talaga, but nu’ng natapos ‘yung bahay napaka-fruitful talaga,” dagdag pa ng binata.
Aminado rin siya na hindi niya inakala na magkakaroon siya ng sariling bahay. Pero ngayong nagawa na niya, kitang-kita sa aktor ang pagka-proud sa kanyang latest achievement.
“Parang hindi ko ma-imagine (at) never ko na-experience na magkaroon ng sariling bahay. Sabi ko ngayon, mas malaki pa ‘yung walk-in closet ko sa mga kuwarto ko na natutulugan before. So, grabeng achievement,” saad niya.
Nagbigay rin ng payo ang aktor sa mga taong nagpaplanong magpagawa ng bahay.
“So, payo ko sa mga magpagawa ng bahay. Madaming factors, eh, ano ba gusto mo, makatipid? Gusto mo ba kaagad matapos ‘yung bahay mo?
“Or ikaw gusto mo may personal touch talaga, ikaw talagang maging hands-on ka du’n. Kung magpapa-contractor ka talaga wala kang sakit ng ulo, babayad ka lang nang medyo mataas, pero masusunod ‘yung timeline kung kailan matatapos ang bahay mo.
“Pero kapag ikaw ‘yung nag-a-outsource lahat nu’ng materyales and iko-customize mo ‘yung bahay mo, grabe sobrang challenging. Kasi ako, natuto ako maghanap ng mga materyales through online. Pinuntahan ko talaga isa-isa ‘yung mga stores. Nakipag-haggle talaga ako sa mga hardware.
“Yun naman ‘yung masarap at least pagdating mo roon. Wala kang sisisihin, sarili mo lang. Ako lang ang namili nitong kulay ng tiles na ‘to. Ako namili ng kulay ng mga kisame na ‘to, ganu’n,” pahayag ng aktor.
Aniya pa, “Sulit ang pagod, so du’n sa mga nagdi-dream na magpatayo ng bahay siyempre isipin mo talaga gastos, pero for me mas naging driven ako. Mas nag-out of the box ako na ‘yung takot ko before na baka utang or hindi mabayaran. Pero ‘pag natapos ‘yun mai-inspire ka talaga magtrabaho nang magtrabaho. Magsumikap, para mabayaran mo ‘yung bahay mo and later on tumira ka na du;n na parang ‘yun na ‘yung forever house mo.”