Martin2 Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Martes ng hapon (United States time), ay nakipa-dialogue kay Sen. William Francis Hagerty ng Tennessee tungkol sa pagpapalawak ng joint military exercises sa Pilipinas, at pagpapalawak ng US foreign military financing (FMF), kasama ang ibang topic.

Hirit ni Speaker Romualdez: Mas malawak na multilateral joint military exercise

130 Views

Martin3Mas malaking US financial aid

UMAPELA si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na palawakin ang joint military exercises at palakihin ang foreign military financing (FMF) sa Pilipinas kasabay ng papuri nito sa Philippines Enhanced Resilience Act of 2024 (PERA Act) sa kanyang pakikipagpulong sa mga mambabatas ng Estados Unidos, kasama si Sen. William Francis Hagerty ng Tennessee.

Bukod kay Hagerty, nakipagpulong si Romualdez kina Sen. Christopher Van Hollen ng Maryland, Rep. Gary Palmer ng Alabama, at iba pang opisyal ng Amerika mula Abril 16 hanggang 18 upang itaguyod ang national defense at regional security cooperation.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng mas malawak na multilateral joint military exercise sa Pilipinas upang mapaganda ang defense strategy nito kasabay ng pagpapalakas ng relasyon nito sa ibang kaalyado para sa pagtataguyod ng kaayusan at katatagan sa rehiyon.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang pagiging epektibo ng Balikatan exercises kasama ang Amerika at iba pang aktibidad kasama ang mga kaalyado nito sa rehiyon.

“These exercises have shown their significant importance in boosting our tactical and operational prowess. With this program, we can improve stability, security, and peace in the Asia-Pacific region and better safeguard our nation,” sabi ni Speaker Romualdez.

Kasama ni Speaker Romualdez sa delegasyon sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino ll, House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco, Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano, and House Deputy Secretary Generals Jennifer “Jef” Baquiran at Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr., at iba pang opisyal ng Kamara at embahada ng Pilipinas sa Amerika.

Ipinanukala rin ni Speaker Romualdez ang pagtataas ng United States foreign military financing (FMF) sa Pilipinas na ngayon ay nasa $40 milyon.

“Given the strength of our alliance, the complexity of our evolving challenges, and our expanding engagements, I hope you will agree that the FMF also needs an increase,” ani Speaker Romualdez.

Nagpasalamat din si Speaker Romualdez kina Hagerty, isang Republican, at Sen. Tim Kaine ng Virginia, isang Democrat, sa paghahain ng panukalang PERA of 2024 sa Senado ng Amerika. Layunin ng panukala na mabigyan ang Pilipinas ng $500 milyong FMF kada taon sa loob ng limang taon o kabuuang $2.5 bilyon.

Ang panukala ay inihain noong Abril 10, isang araw bago ang trilateral summit sa Washington D.C. nina US President Joe Biden, Japanese Prime Minister Fumio Kishida, at Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Iginiit ni Hagerty ang kahalagahan na mapalalim ang kooperasyon ng Amerika at Pilipinas na ilang dekada ng magka-alyado.

Sinabi naman ni Kaine na mahalaga na mabigyan ng suporta ang Pilipinas para sa pagharap nito sa isyu ng West Philippine Sea.

Ang US FMF ay naglalaan ng grant para sa pagbili ng mga US defense equipment, services, at training.

Napag-usapan din ang estado ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos kasama na ang anunsyo ni Pangulong Marcos na magtatayo ng apat na EDCA Agreed Locations kaya magiging siyam na ang kabuuang bilang ng mga ito.

Ang EDCA sites ay sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija; Basa Air Base, Pampanga; Antonio Bautista Air Base, Palawan; Mactan-Benito Ebuen Air Base, Cebu; Lumbia Airfield, Cagayan De Oro; Naval Base Camilo Osias (NBCO), Santa Ana, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz (CMDC), Gamu, Isabela; Cagayan North International Airport (CNIA), Lal-lo, Cagayan; at Balabac Island, Palawan.

Tinalakay din ni Speaker Romualdez ang estado ng mga proyekto sa iba’t ibang EDCA site na napagkasunduan sa pagpupulong ng Mutual Defense Board and Security Engagement Board (MDB-SEB) noong Setyembre 2023.

Pinag-usapan din ang posibilidad na muling makapasok ang Pilipinas sa Generalized System of Preferences (GSP) program ng Amerika upang makapasok ang mga piling produkto ng Pilipinas sa Amerika ng walang binabayarang buwis.

Nag-lapse na ang pagkakasama ng Pilipinas sa GSP noong 2020. Bago nag-lapse ang programa ay mahigit $2 bilyon ang halaga ng ini-export na produkto ng Pilipinas sa Estados Unidos.

Tinalakay din ang pagkakaroon ng kooperasyon ng dalawang bansa sa paggamit ng malinis na enerhiya at imprastraktura.

“I hope with your support we can make more progress in this area of our cooperation,” sabi ni Speaker Romualdez.

Hiningan din ng lider ng Kamara ng payo ang mga US lawmaker kaugnay ng pagkakaroon ng kooperasyon sa critical minerals.

“We would very much welcome your advice and guidance on addressing congressional concerns on this issue,” sabi nito.

Pinag-usapan din ang paglulungsad ng Luzon Economic Corridor na nauna ng tinalakay nina Biden, Marcos, at Kishida.

“The Luzon Corridor is a demonstration of our enhanced economic cooperation,” sabi ng tatlong lider pagkatapos ng trilateral summit.

Layunin ng proyekto na maiugnay ang Subic Bay, Clark, Manila, at Batangas sa pamamagitan ng modernong pantalan, tren, clean power projects, at pagpapaganda ng supply chain.

Ang mga pagpupulong ay bahagi ng pagbisita ni Speaker Romualdez sa Amerika.