Calendar

Honeylet, mga Fiona, Magellan, Ewan at mga pangalang tunog-celebrity tumanggap ng confidential fund ni VP Sara
PATULOY na humahaba ang listahan ng mga kaduda-duda at mukhang gawa-gawang pangalan na inilista ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte na binigyan ng confidential funds na umaabot sa kabuuang P612.5 milyon ang halaga, ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union.
Sinabi ni Ortega na kabilang sa mga bagong natuklasan sina Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, Fiona Ranitez, Ellen Magellan, Erwin Q. Ewan, Gary Tanada at Joel Linangan—mga pangalang tila hango o malapit sa pangalan ng kilalang mga personalidad sa bansa.
Ayon kay Ortega, ang paulit-ulit na paggamit ng mga kaduda-dudang pangalan upang mabigyang katwiran ang paggastos ng confidential funds ay nagpapalakas sa hinala ng publiko na sinadya umano ito upang itago kung saan napunta ang pondo.
“Hindi nakakatawa ang paulit-ulit na paggamit ng mga pekeng pangalan na parang hinugot mula sa sine at showbiz,” ani Ortega.
Ayon pa sa kanya, hindi na umano mukhang aksidente ang pag-uulit na paggamit at pagiging malikhain sa pagpili ng gagamiting mga pangalan, at maaaring bahagi na ito diumano ng sistematikong pagtatangka na pagtakpan ang mga transaksyon gamit ang confidential funds.
“Public funds ang pinag-uusapan. Kung wala silang maipakitang ebidensya na tunay ang mga taong ito, ito mismo ang magiging matibay na ebidensya laban sa kanya sa impeachment trial,” dagdag ni Ortega.
Katulad ng mga naunang pangalan na pinuna, sinabi ni Ortega na ang bagong batch ng mga pangalan ay wala rin sa anumang opisyal na rekord ng kapanganakan, kasal o kamatayan sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sina Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas at Joel Linangan ay nakalista umano sa mga tumanggap ng P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), habang sina Fiona Ranitez, Erwin Q. Ewan, Ellen Magellan at Gary Tanada ay nakalista sa mga binigyan ng P112.5 milyong confidential funds na nasa ilalim ng Department of Education (DepEd) na dating pinamunuan ni Duterte.
Sinabi ni Ortega na ang pinakahuling mga pangalan ay isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA) upang bigyang katwiran ang paggastos ng confidential fund.
Sa paparating na impeachment trial sa Senado ni Duterte sa Hunyo, sinabi ni Ortega na ang mga kahina-hinalang alias ay maaaring magsilbing direktang ebidensya ng umano’y iregularidad—maliban na lang kung makapagpakita ang OVP ng malinaw at mapatutunayang dokumentasyon para sa bawat pangalang nakasaad.
“Hindi na puwedeng basta manahimik si VP Sara dito,” ani Ortega.
Nauna nang ibinunyag ni Ortega ang mga kontrobersya kaugnay ng mga pangalan na tunog peke tulad ng chichirya, cellphone, prutas, ang Dodong Gang, Team Amoy Asim at Team Grocery—na sinasabing bahagi ng tinaguriang “Budol Gang.”
Ang kawalan ng dokumentasyon ay nagpapataas ng tanong kung ang mga pangalan bang ito ay tunay na mga tao o ginamit lang para sa kahina-hinalang paggasta.
“Kung paulit-ulit na gumamit ang OVP at DepEd ng fictitious names, it is a strict requirement na dapat meron silang journal na nagdo-dokumento kung ano ang tunay na pangalan ng mga ito,” paliwanag ni Ortega.
“Sabi sa COA joint circular, dapat sealed at nasa vault ang ganito. So, with all these aliases used, the burden of proof na totoo ba o hindi ang mga taong ito lies with the head of agency—in this case, the Vice President,” aniya.
Ang paggamit ng mga alias sa mga transaksyon ng gobyerno ay hindi bago, lalo na sa mga operasyong may kinalaman sa sensitibong intelihensya.
Gayunman, binalaan ni Ortega na kahit ang paggamit ng mga alias ay dapat na alinsunod sa mga dokumentaryong rekisito na nakasaad sa Joint Circular 2015-01 na gumagabay sa paggamit ng confidential at intelligence funds.
Ayon sa circular, dapat mayroong sealed logs ang mga ahensiya na nag-uugnay sa mga alias sa tunay at mapapatunayang pagkakakilanlan upang maiwasan ang panlilinlang sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang hindi pagsunod dito ay maaaring maituring na maling paggamit ng pondo ng estado.
Ipinaliwanag din noon ni dating COA Commissioner Heidi Mendoza sa mga panayam na ang paggamit ng alias lamang ay hindi sapat na batayan para sa paglalabas ng pondo.
Paliwanag niya, kailangan ng malinaw at masusubaybayang dokumentasyon na nag-uugnay sa mga pangalang ito sa tunay na mga benepisyaryo.
“Sadly or disappointingly, ayaw naman magpaliwanag ni VP Sara,” saad ni Ortega. “She has been asked several times, pero tikom ang bibig niya. Baka naman kasi hindi maipaliwanag ang misteryo ng Budol Gang?”
Ang mga naunang batch ng mga kahina-hinalang pangalan mula sa PSA ay naglalaman ng mga pekeng entry na tila hango sa mga brand ng snacks, at ang iba pa nga ay tila may temang grupo.
Kabilang dito sina “Mary Grace Piattos,” “Pia Piatos-Lim” at “Renan Piatos,” na kabilang sa mga unang nabunyag sa mga imbestigasyon ng Kongreso.
Isa pang kontrobersyal na pangalan ay ang “Xiaome Ocho,” na tila ginaya ang tech brand na Xiaomi, kaya’t pinaghihinalaang hindi lang aksidente o pagkakamali ang mga ito kundi sadyang peke.
Mas lalo pang naging kakaiba ang paglitaw ng mga alias tulad nina “Jay Kamote,” “Miggy Mango” at ilang indibidwal na simpleng pinangalanang “Dodong.”
Lumobo pa ang listahan at may mga temang grupo tulad ng tinaguriang “Team Amoy Asim” na kinabibilangan nina “Amoy Liu,” “Fernan Amuy” at “Joug De Asim.”
Mayroon ding “Team Grocery” na binubuo nina “Beverly Claire Pampano,” “Mico Harina,” “Patty Ting,” “Ralph Josh Bacon” at “Sala Casim.”
Iginiit ni Ortega na ang dami at uri ng mga pangalan ay tila hindi na simpleng administrative na pagkakamali.
“Kapag ganito karami ang kahina-hinalang pangalan, hindi ito simpleng typo o administrative error lamang,” giit niya.
“Mukhang may deliberate attempt para itago ang tunay na destinasyon ng pondo ng taumbayan,” dagdag pa ni Ortega.
Mula sa kabuuang 1,992 pangalan na inilista na tumanggap ng confidential funds mula sa OVP, sinabi ni Ortega na 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records at 1,593 ang walang death records.
Nauna ng ibinunyag ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House committee on good government and public accountability, na 405 sa 677 pangalan na nakalistang benepisyaryo ng confidential funds ng DepEd ay walang birth records—isang malinaw na indikasyon umano na maaaring peke ang mga pangalang inilista.