Calendar
Hontiveros bukas sa ICC probe sa madugong war on drugs ni DU30
IKINAGALAK ni Senador Risa Hontiveros ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagpapakita ng posibilidad ng pakikipagtulungan sa International Criminal Court (ICC), kaugnay ng imbestigasyon nito sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan na naganap sa ilalim ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Secretary Remulla’s pronouncement on the ICC’s investigation on Duterte’s war on drugs gives us hope that real justice for the thousands of victims of the former administration’s killing spree could finally come,” ayon kay Hontiveros.
Binibigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng pakikipagtulungan ng pamahalaan ng Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC. Aniya, mahalaga ang kooperasyon hindi lamang para sa pagtupad sa mga obligasyon sa kasunduan, kundi lalo na upang tugunan ang matagal nang panawagan ng hustisya ng mga pamilya ng mga biktima.
“Kung magkaroon man ng pag-uusap sa pagitan ng ating gobyerno at ng ICC, makita sana ng gobyerno na kailangan nitong tumulong sa imbestigasyon, ‘di lang dahil sa treaty obligations natin, kundi lalo na para sa mga pamilya nina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman, at iba pang mga pamilya na matagal nang dumadaing ng hustisya,” dagdag pa niya.
Patuloy na iniimbestigahan ng ICC ang libu-libong kaso ng extrajudicial killings (EJK) na konektado sa kampanya kontra droga, at iginiit nitong may hurisdiksiyon ito sa mga krimeng naganap bago umatras ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019.
Binanggit din ni Hontiveros ang kahalagahan ng pagiging patas sa imbestigasyon sa mga krimeng ito. Ani niya, hindi maaaring umasa lamang sa mga panloob na mekanismo ang paghahanap ng hustisya.
“The government cannot credibly investigate itself in cases where state-sponsored killings are alleged to be part of official policy. That is why international mechanisms like the ICC are essential,” aniya sa mga naunang pahayag.
Kamakailan, nagpahiwatig si Remulla ng posibleng pagbabago sa tindig ng pamahalaan at nagpahayag ng pagiging bukas na makipagtulungan sa ICC sa ilang aspeto. Ito ay isang mahalagang pag-alis mula sa pagtanggi ng administrasyong Duterte na makipag-ugnayan sa korte.
Para kay Hontiveros, ang posibilidad ng kooperasyong ito ay nagbibigay ng pag-asa para sa matagal nang hinihintay na pagkilos. Binigyang-diin niya na ang imbestigasyon ng ICC ay hindi lamang usapin ng legal na obligasyon, kundi isang mahalagang hakbang upang maihatid ang hustisya para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.