Hontiveros

Hontiveros isinusulong agarang pagkilos laban sa cyber attacks

155 Views

PINANGAGAMBAHAN ni Senator Risa Hontiveros na masusundan pa ang posibleng pagtangka na cyber attack ng mga sinasabing hackers diumano na mula sa Tsina na ang partikular na target ay ang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas.

Ayon kay Hontiveros napapanahon na kumilos ng agaran ang ating pamahalaan kung kaya’t nag-file siya ng agaran na resolusyon o ang Proposed Senate Resolution No. 923, upang busisiin ng husto kung ano ang dapat gawin sa ganitong uri ng krimen na hayagan paraan upang perwisyuhin ang ating bansa.

Kamakailan ay nadiskubre ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang tangkang pag-hack sa OWWA ng hindi pa matukoy na grupo ngunit lumalabas na ito ay mula sa People’s Republic of China.

Noong Peb. 3, 2024, ang DICT ay nagbulgar na ang mga hackers ay tinangkang pumasok sa mga email systems at internal websites ng iba’t ibang sangay ng ating pamahalaan kasama na ang mga Departamento tulad ng Philippine Coast Guard, Office of the Cabinet Secretary, Department of Justice, National Coast Watch System, House of Representatives, at maging ang DICT mismo.

Ang DICT ay nagpahayag din na kahit ang mga pribadong sector ay target din ng mga ito gayundin ang personal na website ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Base sa isinumite na resolusyon ni Hontiveros, binanggit nito ang 2023 na pag aaral ng Palo Alto research firm Unit 42, na naglahad na ang cyberintrusion ay deretsong tumatarget sa mga gobyerno ng Southeast Asian kung saan ay kailangan nilang ilagay ang ibat ibang pamamaraan, mga gamit o tools at malware para masigurong mayroon silang control sa tinatawag na long-term surveillance.

“Hindi natin alam, baka naka-install na ng mga malware itong Chinese hackers sa ating mga Philippine Coast Guard assets. If so, these recent cyber-intrusions threaten to compromise resupply missions to Ayungin shoal, the security of Philippine Armed Forces personnel stationed on the B.R.P. Sierra Madre, and the wider Philippine national interests in the West Philippine Sea,” paliwanag ni Hontiveros.

Nauna pa rito ay nagpahayag din ng pagkabahala si Sen. Grace Poe dahil sa umanong ginagawang ito na nais kontrolin at guluhin ang takbo ng ating bansa ng ilang element.