Hontiveros nagbabala sa pagtakas ng  puganteng Koreano mula sa BI

22 Views

Nina PS Jun M Sarmiento & MELNIE RAGASA-JIMENA

Nagpahayag ng pangamba si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros nitong Miyerkules kaugnay ng isang puganteng Koreano na umano’y nakatakas mula sa detention center ng Bureau of Immigration (BI).

Tinutugis ngayon ng pulisya ang isang South Korean na wanted sa kanyang bansa, matapos umanong makatakas mula sa escort na mga tauhan Bureau of Immigration (BI) habang dumadalo sa preliminary hearing sa kasong estafa na isinampa laban sa kanya sa Quezon City Hall of Justice nitong Martes ng hapon.

Agad nagsagawa ng manhunt ang mga awtoridad sa Koreano na si Na Ihkyeon, 28, na tumakas umano mula sa kanyang mga BI escort nang magpaalam na pupunta lamang sa comfort room sa loob ng korte.

Sa ulat, nakatakas bandang alas-2 ng hapon noong Martes ang Koreano pero inireport lamang ng BI ang insidente sa pulisya ng alas-5 ng hapon.

Nabatid na naaresto si Na sa Clark International Airport noong Mayo 2023 na wanted sa South Korea dahil sa umano’y investment scam.

Ipinagpaliban ng BI ang kanyang deportasyon habang nakabinbin ang pagresolba sa kasong estafa na isinampa ng isang babaeng negosyante na mag-aalahas.

Sinabi ng biktima, nag-consign si Na ng mga alahas bilang ahente ngunit hindi nag-remit ng buong halaga mula sa mga benta nito.

“Mainit-init pa po ang balita. We have received credible information from sources na nakatakas umano itong pugante kahapon lang, habang papunta siya sa hearing niya sa Quezon City. Is this true? Kung totoo, ang tanong: Nakatakas nga lang ba o pinatakas? At the very least, this is gross negligence on the part of the BI,” ayon kay Hontiveros.

“I call on our law enforcers to look into this matter immediately. Hindi pwedeng pagala-gala lang sa bansa natin ang isang kriminal,” dagdag pa ng senadora.

Si Na Ikhyeon, isang mamamayang South Korean, ay inaresto sa Clark, Pampanga noong 2023 matapos gumamit ng pekeng pagkakakilanlang Pilipino. Kalaunan, natuklasan na siya ay may kinakaharap ding mga kaso sa South Korea kaugnay ng malakihang pandaraya.

“Our Senate Committee on Women hearings showed that a lot of POGO actors also pretend to be Filipinos, kaya hindi ako magugulat kung itong pugante ay involved din sa POGO. Marami ding mga taga-POGO ay kasali sa mga fraud o scamming operations, kaya malamang may koneksyon din siya sa mga scam hubs dito sa bansa,” pahayag ng senadora.

Ipinahayag din ni Hontiveros ang kanyang pagkadismaya sa patuloy na pagkukulang ng BI sa kanilang tungkulin.

Tinukoy rin niya ang pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice and Human Rights kahapon, kung saan lumabas na hindi alam ng BI yung tatlong Chinese POGO bosses—sina Lyu Xun, Kong Xiangrui, at Wang Shangle—na inutusang ipadeport, ay hindi pala nakarating sa China.

“Hindi alam ng BI na hindi nakarating sa China ang dineport nilang tatlong Chinese POGO bosses, hindi alam paano nakatakas si Alice Guo, at ngayon, huwag nilang sabihin hindi na naman nila alam paano nakatakas itong Koreanong pugante,” ani Hontiveros.

“The bureau’s seeming — or deliberate — ignorance is astounding. Habang ang mga Pilipino hirap na hirap makalusot sa immigration counters, itong mga dayuhang pugante parang ang bilis nalang makawala. The BI has to seriously clean up its ranks. Kung hindi, patuloy tayong mapapasukan ng mga pugante’t kriminal,” pagtatapos ng senadora.