Hontiveros

Hontiveros sa gobyerno: Kakulangan ng HIV drugs agad tuguan

48 Views

NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros sa pamahalaan na agad kumilos sa iniulat na kakulangan sa antiretroviral drugs, kasabay ng babala na maaaring malagay sa panganib ang people living with HIV kapag naputol ang kanilang gamutan.

Ang antiretroviral drugs, o ARVs, ay mga gamot na ginagamit upang makontrol ang HIV. Kailangang inumin ang mga ito nang regular upang manatiling mababa ang virus at mapanatiling malusog ang people living with HIV.

“Nakakabahala marinig ang mga ulat na napipilitan ang mga HIV treatment hubs na pagkasyahin ang antiretroviral o ARV drugs para sa kanilang mga pasyente dahil sa delayed at kulang ang supply ng gamot sa bansa,” sinabi ni Hontiveros.

Sinabi niya na dapat tiyakin ng Department of Health na maihahatid ng supplier ang ARV drugs at makarating agad ang mga gamot sa HIV treatment hubs.

“Kalusugan at buhay ang nakataya dito, kaya dapat kumikilos na ang gobyerno para agad na mapunan ang shortage ng ARVs at maiwasan na mahinto ang gamutan ng mga PLHIV. Hindi pwedeng paputol-putol at dapat araw-araw ang kanilang pag-inom ng ARV para manatili silang malusog,” sinabi ni Hontiveros.

Ang PLHIV ay tumutukoy sa people living with HIV.

Ayon kay Hontiveros, dapat gamitin ng pamahalaan ang lahat ng contractual, legal, at logistical remedies upang makuha ang mga gamot na binili ng gobyerno.

“All available contractual, legal, and logistical remedies must be pursued to secure the government-procured medicines,” sinabi niya.

“Kailangang may managot sa nangyaring delay at dapat hindi na lalong magtagal pa ang delivery ng gamot,” dagdag niya.

Nanawagan din si Hontiveros sa PhilHealth na pabilisin ang pagproseso ng claims para sa Outpatient HIV/AIDS Treatment package, o OHAT.

Sinabi niya na dapat linawin ng PhilHealth sa treatment hubs kung paano magagamit ang OHAT upang hindi maputol ang gamutan dahil sa delay sa financing o paperwork.

“Kailangan ring pabilisin ng PhilHealth ang processing ng claims para sa Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT), linawin sa mga treatment hubs kung paano pwedeng gamitin ang OHAT para hindi maputol ang gamutan, at tiyakin walang PLHIV ang hindi mabibigyan ng gamutan dahil sa delay sa financing o paperwork,” sinabi ni Hontiveros.

Sinabi rin niya na dapat magbigay ang pamahalaan ng malinaw na updates sa mga apektadong komunidad, pagbutihin ang forecasting at procurement, palakasin ang inventory monitoring, at payagan ang paglilipat ng supply sa pagitan ng treatment hubs kung kinakailangan.

Binanggit ni Hontiveros ang Republic Act No. 11166, o Philippine HIV and AIDS Policy Act, na nagtatakda na dapat libre, accessible, tuloy-tuloy, at dignified ang HIV treatment and care.

“Ang nangyayaring shortage ng ARVs ay hindi dapat pinagkikibit balikat. Hindi dapat maputulan ng lifeline ang mga PLHIV ng dahil lang sa kakulangan sa sistema na dapat sanang naagapan,” sinabi ni Hontiveros.