Hontiveros

Hontiveros, Tulfo kontra sa online voting sa Senado

62 Views

SINABI ni Senador Risa Hontiveros na hindi dapat payagang makilahok at bumoto online ang mga senador sa mga pagdinig at sesyon ng Senado dahil walang kasalukuyang national emergency o force majeure na maihahambing sa COVID-19 pandemic.

Ginawa ni Hontiveros ang pahayag matapos itanong ni Senador Robinhood Padilla, sa isang verified Facebook post, kung maituturing bang force majeure ang giyera sa Gitnang Silangan, banta ng terorismo, at posibleng pagkadawit ng Pilipinas sa China-Taiwan conflict.

“Wala namang force majeure sa kasalukuyan para kailanganin ulit kami ay lumahok at bumoto via Zoom or other electronic means,” sinabi ni Hontiveros sa isang panayam sa radyo.

Ayon kay Hontiveros, dapat pisikal na dumadalo ang mga senador sa mahahalagang debate at botohan sa plenaryo, lalo na sa mga usaping may epekto sa bansa. Pinayagan lamang aniya ang videoconferencing noong panahon ng pandemya dahil may malinaw noon na national at international emergency.

Binanggit din niya ang mga naunang kaso nina dating Senador Leila de Lima, dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV, at isa pang senador na humiling o hinilingang makalahok o makaboto online dahil sa pagkakakulong o pinsala.

“Hindi po pinayagan,” sabi ni Hontiveros. “So ano po ang napaka-espesyal ngayon na kailangan ipilit talagang baliin yung rule namin?”

Ang usapin ng force majeure ay lumitaw habang tinatalakay ng Senado ang panukalang amyenda sa Rule 14, Section 41, na naglalayong payagan ang mga senador na makilahok sa proceedings sa pamamagitan ng videoconferencing sa mas malawak na batayan, kabilang ang “justifiable reasons.”

Sa kanyang Facebook post, nagtanong si Padilla: “War/gera/digmaan sa Gitnang Silangan na nagreresulta na ng terorismo sa iba’t ibang parte ng mundo, ang napipintong pagkadawit ng Pilipinas sa China-Taiwan conflict. Hindi po ba ito force majeure?”

Tinutulan din ni Senador Raffy Tulfo ang panukalang pagbabago sa rules, kasabay ng pahayag na inihalal ang mga senador upang personal na gampanan ang kanilang tungkulin sa loob ng kapulungan.

“Kaming mga senador ay ibinoto ng taumbayan para personal na gampanan ang aming mga tungkulin sa loob ng Senado,” sabi ni Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na magiging hindi patas ito sa ordinaryong manggagawa na kailangang pisikal na pumasok araw-araw sa kabila ng hirap sa biyahe.

“Kung ang mga ordinaryong empleyado ay araw-araw na bumabyahe, nakikipagsiksikan sa tren, bus at jeep, nagtitiis sa traffic at init para mabilang ang kanilang attendance at maswelduhan, bakit natin papayagan ang sinumang senador na mag-attendance at makalahok sa mga bagay na pinagbobotohan sa Senado via Zoom nang dahil sila ay nagtatago?” sinabi ni Tulfo.

Kinuwestiyon din niya ang tinawag niyang pagmamadali sa pagbabago ng major Senate rules kung layunin nitong bigyan ng special treatment si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na hindi pisikal na dumadalo sa mga sesyon.

“Nakakainsulto ang ginawa ng iba naming kasamahan na pag-rush sa pagbabago ng major Senate rules para lamang mabigyan ng special treatment si Sen. Bato na kasalukuyang hindi pumapasok,” sabi ni Tulfo.

“Nakakahiya na sa taumbayan. ’Wag na tayong maglokohan!” dagdag niya.

Iginiit din ni Hontiveros na hindi dapat humingi ng espesyal na pagtrato ang mga senador habang ang ordinaryong manggagawa ay kailangang pumasok nang pisikal para kumita.

“Ang dami nating kababayan na arawang sumasahod. Pag hindi pumasok sa trabaho, kaltas ang sahod,” sinabi niya.

“Kaming mga senador ay siniswelduhan ng buwis ng mamamayan, ng pawis ng mga manggagawang araw-araw kaya ang pumasok kahit may sakit, kahit gutom kasi pag hindi sila pumasok pati pamilya nila magugutom. Can we do any less?” dagdag niya.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Hontiveros na hindi dapat payagan ng Senado ang isang miyembro na patuloy na bumoto, makaimpluwensiya sa polisiya, at tumanggap ng institutional benefits habang tumatangging humarap sa lawful arrest o judicial authority.

“The Senate should not pave the way for a member to continue to vote, influence policies and receive institutional benefits of office despite refusing to submit to lawful arrest or judicial authority,” sinabi niya.

Ang panukalang pagbabago sa rules ay kasunod ng walkout ng minority bloc at patuloy na hindi pagkakasundo sa Senado tungkol sa procedure, quorum, at paghawak sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng kapulungan.

Sinabi ni Hontiveros na tungkulin ng mga senador na humarap sa publiko at gawin ang kanilang trabaho nang personal.

“Kaming mga senador ay dapat pumasok, humarap sa publiko at magtrabaho,” sabi niya.