Hontiveros

Hontiveros: Walang masama sa pagbati ni PBBM sa Taiwan president

133 Views

NAGPAHAYAG ng matinding suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isa sa mga kilalang oposisyon matapos pangaralan at insultuhin ng China ang pinuno ng bansa dahil sa pahayag ng pagbati sa bagong presidente ng Taiwan at hinamon din nito ang mga gobyerno at kapwa kongresista na pag-aralan muli ang kasalukuyang foreign policy ng bansa.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, nakakagulat aniya ang katapangan na ipinakita ng Pangulong Marcos jr., at pagiging disente matapos siyang insultuhin ng Tsina sa ginawa niyang pagbati sa newly elected Taiwanese president kamakailan lamang.

Sinabi ni Hontiveros na nagpapakita lamang aniya ang Pangulo na kanyang matigas na disposisyon kung tama at makatuwiran ang bagay at hindi aniya natinag sa kabila ng patutsada na ibinato sa kanya.

Ipinagtanggol ni Hontiveros ang Pangulo sa pagsabing malinaw naman na ang one China policy ay binibigyan ng halaga at pagkilala ng Executive branch ng gobyerno ng Pilipinas pero pinaalalahanan din niya na hindi ito isang batas na dapat tupdin.

Sinabi rin ng senadora na walang masama sa magalang ng pagbibigay ng respeto at pagbati ni Marcos jr., sa kapitbahay natin sa Asia.

Pinaalalahan din niya ang Kongreso na gawin ang nararapat nitong pagtayo sa karapatan ng Pilipino sa pinagtatalunan na West Phil. Sea kung saan ay makikitang lantaran ang pagpapakita ng Pangulong Marcos jr., sa pagtatanggol dito lalo pa at mismong ang international court ng Hague aniya ay nagsasabing tayo ang may karapatan sa WPS.

Naniniwala si Hontiveros na dapat at napapanahon na upang repasuhin ng Kongreso sa tulong ng Ehekutibo ang foreign policy ng bansa kaugnay sa isyu ng China lalo pa ito ay may kinalaman sa pinagtatalunan WPS.

Binigyan diin ni Hontiveros na ang matinding pag aaral sa foreign policy kaugnay ng relasyon ng Pilipinas sa Tsina ay napapanahon at dapat seryosohin ng ating mga pinuno gayundin ng Kongreso dahil na rin sa kinabukasan aniya ng bansa ang nakataya at nakasalalay sa punto ito.