Cong Mikee

House committee humingi ng update sa tax exemption ng PWDs

Mar Rodriguez Jan 17, 2024
131 Views

Cong Mikee Cong MikeeNANAWAGAN ang House Committee on Poverty Alleviation sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensiya para maglabas sila ng “update” patungkol sa exemption ng mga Persons with Disability (PWDs) sa pagbabayad ng Value Added Tax.

Katulad ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez, nais din ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na malaman kung nasusunod ba ng DSWD at National Council on Disability Affairs (NCDA) ang batas na nagbibigay ng exemption para sa mga PWDs.

Ipinaalala ni Romero, chairman ng Committee on Poverty Alleviation, na kailangang sundin ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan ang itinatakda ng Republic Act No. 10754 o ang An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability na inakda ni Speaker Romualdez.

Ipinaliwanag ni Romero na mahalagang malaman sa DSWD at NCDA kung nakakatugon ba sila sa itinatakda ng batas matapos kumalat ang mga balitang may mga kompanya ang hindi umano nagbibigay ng discount para sa mga PWDs kabilang na ang mga senior citizens.

Ipinaliwanag ng kongresista na hindi lamang ang sektor ng mga mahihirap ang kaniyang pinangangalagaan at ipinagtatanggol. Bagkos, maging ang hanay ng mga PWDs at Senior Citizens na nababalewala ang kanilang karapatan bunsod ng pagbabalewala sa kanilang mga pribilehiyo.

“Ang nais natin mangyari dito ay ang tiyakin na nabibigyan ng proteksiyon ang mga PWDs at Senior Citizens. Kaya tayo ay nananawagan sa DSWD at NCDA na maglabas sila ng update para malaman natin kung nabibigyan ba ng exemption ang mga PWDs sa pagbabayad ng VAT,” paliwanag ni Romero.

Samantala, pinagkalooban naman ni Romero ng medical assistance ang libo-libong indigents o mga mahihirap sa pamamagitan ng guarantee letters na magbibigay sa kanila ng malaking kaginhawahan sapagkat hindi na nila po-problemahin ang napakalaking bayarin sa mga Ospital.