Calendar
House Committee on Dangerous Drugs suportado ang ulat ng NAPOLCOM kaugnay sa sistema ng promotion sa PNP
SUPORTADO ng House Committee on Dangerous Drugs ang inilabas na report ni National Police Commission (NAPOLCOM) Vice-Chairman Atty. Alberto Bernardo na nagsasaad na mayroong depekto sa sistema ng promotion sa hanay ng Philippine National Police (PNP) at ang pagbibigay naman ng performance rating para sa mga “anti-drug police operatives”.
Ipinaliwanag ni Surigao del Norte Congressman Robert Ace Barbers, Chairman ng Dangerous Drugs Committee sa Kamara, na nakatuon lamang ang PNP at anti-drug operatives sa pag-aresto at pagsamsam ng mga ebidensiya na nakuha sa isang buy-bust drug operation na humahantong umano sa gawa-gawa lamang na accomplishment o isang pekeng accomplishments.
Binigyang diin ni Barbers na bunsod ng ganitong maling sistema at kalakaran, maraming inosenteng sibilyan aniya ang nakukulong dahil sa isinampang kaso ng mga pulis na itinuturing na pekeng kaso laban sa kanila.
Sinabi ni Barbers na lumalabas umano sa mga nadiskubreng fake accomplishments na napo-promote pa ang isang pulis at tumataas ang ranggo nito sa kabila ng peke ang mga kasong isinampa nito laban sa isang inosenteng sibilyan.
“Imagine, based on these fake accomplishments the officer kept on being promoted until they are high up in the ladder and can control and influence the organization. They have become so accustomed with their illegal activities that they have become a big part of the whole syndicate,” ayon kay Barbers.
Ipinabatid pa ni Barbers na ang kanilang promotion ay isang bahagi lamang. Kung saan, ang marinding bahagi ng pangyayaring ito ay ang matatanggap nilang reward sa pamamagitan ng pera o monetary at pag-iingat ng malaking droga na nakumpiska nila sa mga isinagawang raid.
“I wholly subscribe to the findings of the NAPOLCOM and I fully support their position. They can expect our full backing in the Committee on Dangerous Drugs,” sabi pa ni Barbers.