Calendar
House Committee on Poverty Alleviation inaprubahan panukalang batas na makakatulong sa mga 4Ps adult beneficiaries
INIHAYAG ngayon ng House Committee on Poverty Alleviation na inaprubahan na nito ang mga panukalang batas na inaasahang magbibigay ng karagdagang tulong para sa mga “adult beneficiaries” ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sinabi ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., Chairman ng Komite, na hindi na sila nagpatumpik-tumpik at inaprubahan na nila agad ang mga nakasalang na panukalang batas na malaki ang maitutulong sa mga nabanggit na benepisyaryo.
Ipinaliwanag ni Romero na kailangan aniyang gawing abot-kamay ang mga oportudidad sa larangan ng edukasyon, negosyo at trabaho para sa mga mahihirap na Pilipino. Kung saan, mahalaga din na makasama dito ang mga tinatawag na “poorest of the poor”.
Ayon kay Romero, sa gitna ng kasalukuyang krisis bunsod ng napakataas na presyo ng mga bilihin partikular na sa pagkain. Kailangang kumilos ang Kamara de Representantes sa pamamagitan ng kaniyang Komite para tulungan ang mga mahihirap na mamamayan.
Gayunman, ikinagalak din ni Romero na unti-unti ng nakakabangon ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng mga krisis na isang indikasyon na maganda aniya ang tinatahak ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Binanggit ng kongresista ang inilabas na latest report ng Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa economic growth ng Pilipinas. Nakasaad sa ulat ng PSA na tumaas ng 7.6% ang gross domestic product (GDP) ng bansa noong 2022. Kung saan, ito ang tinatawag na second-highest growth rate pangalawa lang sa 8.8% economic growth rate na natamo noong 1976.