Vargas

House Committee on Social Services iginiit sa DTI na bantayan ang mga presyo ng mga pang noche buena

Mar Rodriguez Dec 6, 2022
206 Views

IGINIGIIT ngayon ng House Committee on Social Services sa Department of Trade and Industry (DTI) na mahigpit na ipatupad ang “monitoring” sa lahat ng pamilihan para mabantayan ang presyo ng mga pagkaing pang-noche buena sa gitna ng Holiday Season.

Kamakakailan lamang, inihain din ni Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas, Vice-Chairperson ng House Committee on Social Services, ang House Resolution No. 612 na humihikayat sa manufacturers at mga nagtitinda (sellers) na sundin ang inirekomendang price ceilings para sa mga basic commodities.

Ipinaliwanag ni Vargas na ang nasabing hakbang ay upang huwag masyadong mahirapan at mabigatan ang mamamayang Pilipino na apektado parin ng pagbabago sa ekonomiya sanhi ng COVID-19 pandemic.

Sinabi pa ni Vargas na bagama’t hindi naman talaga mapipigilan ang pagtaas sa presyo ng mga basic commodities. Gayunman, hiniling naman ng DTI sa mga manufacturers ng mga pagkaing noche Buena na ipatupad pa rin ang maximum na 10% price increase.

Inilathala din ng DTI ang kanilang “Noche Buena Price Guide”. Kung saan, inihayag ng ahensiya na 195 mula sa 223 noche Buena products ang nagtaas ng presyo. Habang kalahati naman nito ang halos nagtaas ng presyo mahigit sa itinakdang 10% increase.

“As we expect the increase in demand for noche Buena goods and basic necessities due to the holiday season. It is imperative that prices of such commodities are regulated under the context of the COVID-19 pandemic to help Filipino consumers,” sabi ni Vargas.

Hinihikyat naman ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona ang mga manufacturers at mga negosyante ng noche Buena items na huwag naman masyadong maging “tuso” ngayong Holiday Season sa pamamagitan ng masyadong mataas na presyo ng kanilang produkto.

Sinabi ni Madrona na kailangang isa-salang alang parin ng mga manufacturers at mga negosyante ang kapakanan ng mamamayan. Partikular na ang mga Pilipinong mahihirap sa gitna ng pagpapatuloy parin ng krisis sa ekonomiya at COVID-19 pandemic.

Ikinatuwiran ng kongresista na hindi pa naman halos nakakabangon mula sa krisis ang ilang Pilipino matapos ang dalawang taong “health crisis” dulot ng pandemiya. Kung kaya’t mahalagang isa-alang alang ng mga manufacturers at mga negosyante ang interes ng mga mamimili sa halip na samantalahin nila ang Holiday Season bilang oportunidad para kumita ng malaki.

“Nananawagan tayo sa mga manufacturers at mga negosyante na sana’y huwag naman silang mag-take advantage this Holiday Season na ang iniisip nila ay ang kumita sila ng malaki. Dahil may mga kababayan tayo na hanggang ngayon ay hirap parin sa dahil sa pandemiya,” sabi ni Madrona.