Madrona

House Committee on Tourism aminado na hindi lahat ng mga kinukumpuning kalsada patungo sa isang tourist destination ay matatapos ngayong 2023

Mar Rodriguez Feb 14, 2023
169 Views

AMINADO ang House Committee on Tourism na maaaring hindi matapos ngayong 2023 ang lahat ng mga kalsada na kailangang kumpunihin at ayusin patungo sa isang “tourist destination” dahil lalo pang nadadagdagan ang listahan ng mga nasabing tourist areas.

Ipinaliwanag ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee, na marami pang hindi naide-deklarang tourist destinations alinsunod sa mga panukalang batas na isinulong patungkol sa usaping ito.

Sinabi ni Madrona na nakapaloob sa mga nakahaing panukalang batas ang pagde-deklara ng mga karagdagang “tourist destinations” kaya inaasahang lalo din madadagdagan ang listahan ng mga kalsada o main roads na kailangang kumpunihin patungo sa nasabing tourist area.

Nakapaloob sa 2023 proposed national budget ang pagsasa-ayos ng mga kalsada ngayong taon patungo sa isang partikular na tourist area. Batay naman sa mga pumasang panukalang batas na naglalayong ideklara ang isang makasaysayang lugar bilang isang tourist destination.

Niliwanaw ng kongresista na ang matatapos lamang ngayong taon (2023) ay ang mga kalsada at main roads na nauna ng ma-identify bilang isang tourist destination. Subalit ang mga madadagdag sa listahan ay maaaring maihanay na lamang sa pagpasok ng 2024 proposed national budget.

Gayunman, ikinatuwiran ni Madrona na sakaling hindi naman matapos ngayong taong 2023 ang pagsasa-ayos at pagkukumpuni ng mga nasabing kalsada dahil sa napakarami ang nadadagdag sa listahan. Maaari naman itong maihanay sa budget ng susunod na taon.

“Sa totoo lang napakarami pa ang hindi naidedeklara kaya lalong nadadagdagan ang listahan ng mga additional tourist destinations. Hindi ito matatapos ngayong 2023. Pero sa tuwing may madadagdag sa listahan o may mai-declare na tourist destination, magdadagdag ulit tayo ng budget,” paliwanag ni Madrona.