Calendar
House Committee on Tourism ikinagalak mga isinusulong na panukalang batas para ideklarang tourist destination iba’t-ibang lugar sa PH
IKINAGALAK ng House Committee on Tourism na marami pang panukalang batas ang isinusulong ngayon sa Kongreso na naglalayong maideklara ang iba’t-ibang lugar sa Pilipinas bilang isang “tourist destination” na inaasahang makakahatak pa ng maraming turistang magtutungo sa bansa.
Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na ang panibagong panukalang batas na inihain ngayon sa Kamara de Representantes ay ang House Bill No. 6913 para maideklara bilang tourist spot ang foreshore areas sa Albay west coast sa Bicol.
Ipinaliwanag ni Madrona na napakalaki ang maitutulong ng mga tinaguriang “tourism bills” sapagkat magre-resulta ito sa pagkakaroon ng maraming trabaho, pagpasok ng mga malalaki at maliliit na negosyo at pag-unlad o development ng komunidad ng isang identified tourism destination.
Ipinagmalaki din ni Madrona na ang ilan sa mga hindi pa nare-recognize na tourist destination na nakapaloob sa mga nakasalang na panukalang batas ay hindi hamak na mas maganda sa sikat na Boracay Island. Subalit hindi lamang aniya nabibigyan ng kaukulang pansin o atensiyon.
Ayon sa kongresista, ang bagong henerasyon ng mga turista local o dayuhan man partikular na ang mga tinaguriang “Millenials” ay naghahanap umano ng mga bagong adventures at tourist destinations kabilang na dito ang mga makasaysayang local tourist spots at eco-tourism zones.
Gayunman, binigyang diin ni Madrona na kahit maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang mga naturang panukalang batas. Ang isa sa mabigat na pagdadaanan nito ay ang paglalagak ng pondo o budget para tustusan ang mga kailangang gastos para maisulong ang proyekto sa pamamagitan ng annual appropriations.