Madrona

House Committee on Tourism nagpahayag ng suporta sa mungkahing gawing “ecotourism zone” ang White Sand Lampinigan beaches

Mar Rodriguez Mar 1, 2023
182 Views

NAGPAHAYAG ng suporta ang House Committee on Tourism sa panukalang batas na inihain ng isang Mindanao congressman sa Kamara de Representantes na naglalayong maideklara bilang “ecotourism zone” ang White Sand Lampinigan Island beaches sa lalawigan ng Basilan.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee, na malaki ang maitutulong ng House Bill No. 7159 na isinulong ni Basilan Lone Dist Congressman. Mujiv Hataman upang makabangon at maka-arangkada ang tourism industry ng Basilan.

Ipinaliwanag ni Madrona na naka-apekto ng malaki sa imahe ng Basilan ang mga kaguluhang naganap sa lalawigan sa mga nakalipas na taon. Kung saan, naging mailap ang kapalaran para sa Basilan partikular na sa larangang ng tourism gayong napakaraming magagandang tanawin dito.

Ayon kay Madrona, sa pamamagitan ng panukalang batas ni Hataman, naniniwala siyang unti-unti ng makakabangon ang tourism industry ng Basilan. Sapagkat maraming magagandang lugar sa nasabing lalawigan ang hindi masyadong nabigyan ng pansin dahil sa dating masamang imahe nito.

Binigyang diin pa ni Madrona na ang tourism sa Basilan ang isa sa mga pangunahing kabuhayan at pinagkakakitaan ng mga mamamayan dito. Dahil marami aniyang tourist spot sa naturang lalawigan na maaaring ma-develop at kinakailangan ang suporta mula sa pamahalaan.

Ikinagalak din ng mambabatas na marami sa kaniyang mga kasamahan sa Kongreso ang naghahain na ngayon ng mga panukalang batas na mayroong kinalaman sa tourism. Sapagkat isa aniya itong palatandaan na nakikita ng kaniyang mga kasamahan ang kahalagahan ng Philippine tourism.

Sinabi ni Madrona na habang lumalaki at lumolobo ang bilang ng mga natutuklasang tourist destinations sa bansa. Kailangan maging handa na rin ang pamahalaan para sa mga isasagawang infrastructure projects para sa pagdagsa ng mga dayuhan at lokal na turista sa Pilipinas.