Frasco

House Committee on Tourism pinapurihan Sec. Frasco

Mar Rodriguez Apr 22, 2024
166 Views

Sa pagbubukas ng TRA sa Palawan

PINAPURIHAN ng chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona si Tourism Sec. Christina Garcia Frasco dahil sa matagumpay na pagbubukas at unveiling ng Tourism Rest Area (TRA) sa Munisipalidad ng Roxas, Palawan.

Ayon kay Madrona, maituturing na estratehiko ang lokasyon ng bagong gawang TRA na matatagpuan sa national highway sa Barangay Sandoval at San Nicolas sa Munisipalidad ng Roxas. Sapagkat ito ang magiging kombinyenteng pahingahan o “pit stop” ng mga turista o travelers na nagtutungo sa Palawan.

Sinabi ni Madrona na bilang chairperson ng Committee on Tourism, nakikini-kinita na na nito ang magandang potensiyal na idudulot ng mga ipinapatayong TRA ng Department of Tourism (DOT) sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas dahil mas ine-engganyo nito ang mga lokal at dayuhang turista.

Binigyang diin ng kongresista na sa pamamagitan ng mga TRA na matatagpuan sa iba’t-ibang lalawigan mahihikayat ang mga turista dayuhan man o mga lokal na bisitahin ang mga magagandang tanawin at lugar sa Pilipinas na magre-resulta naman sa malaking ganansiya para sa gobyerno.

Hindi naman nakaligtaan ni Madrona na pasalamatan si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa pagbibigay importansiya ng kaniyang administrasyon sa mga infrastructure projects na naglalayong matugunan ang pangunahing pangangailangan ng tourism sector.

Ganito rin ang ibinigay na mensahe ni Sec. Frasco sa kaniyang talumpati patungkol sa grand-opening ng TRA sa Palawan matapos nitong bigyang diin ang prioritization ng administrasyong Marcos, Jr. sa mga isinasagawang infrastructure projects na tutugon sa mga pangangailan ng turismo ng bansa.

“Layunin po natin na mag-ikot sa buong Pilipinas. Dala-dala ang mga proyekto sa imprastraktura sa ilalim ng administrasyon ng ating Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kasi po yung direktiba ng ating Presidente sa akin ay malinaw. We have to enhance the overall tourism experience,” sabi ni Frasco.

Samantala, ipinabatid ni Madrona na isinagawa ang blessing at inauguration ng bagong high-speed Response Boat (HSRB-009) na ginanap sa Munisipalidad ng San Agustin Romblon na inaasahang malaki ang maitutulong nito para sa pagpa-patrolya sa mga coastal regions.