Rep. Paolo Ortega V

House impeachment secretariat naghahanda na sa paglilitis kay VP Sara

Mar Rodriguez Feb 13, 2025
13 Views

KINUMPIRMA ng dalawang lider ng Young Guns ng Kamara na nagkaroon ng pagpupulong ang House impeachment secretariat kung saan tinalakay ang paghahanda sa paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte, kasama ang ilang mga pribadong abogado at mga volunteers na nais tumulong sa impeachment trial.

Sinabi ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na ginanap ang pulong kasama ang mga pangunahing miyembro ng impeachment team at secretariat.

“There was a meeting yesterday (Wednesday) sa secretariat. Meron kasing mga prosecutors tapos meron ding mga volunteer lawyers who would want to be part of the impeachment process,” wika nito.

Idinetalye naman ni Manila Rep. Ernix Dionisio na dumalo rin sa pulong ang iba’t ibang legal professionals.

“As far as we know, iba-iba sila eh. Actually, may mga kilala, mayroon mga less popular, but there were familiar faces that I saw dun sa lugar,” dagdag pa ni Dionisio.

Nilinaw ni Ortega na bagama’t pangunahing layunin ng pulong ang pagpapakilala at pag-unawa sa proseso, nagsilbi rin itong pagkakataon para sa mga potensyal na legal volunteers na ipakilala ang kanilang sarili.

“Nothing too formal. More on, ‘yun nga, sabi ni Cong. Ernix, meron ‘yung mga nagvovolunteer. Pero basically, in-house pa rin naman tayo, tayo-tayo lang din yung mga nandoon,” saad niya.

Patuloy na naghahanda ang House prosecution team para sa impeachment trial, bilang pagtiyal na maayos ang lahat ng kinakailangang legal strategies at ebidensya bago magsimula ang paglilitis sa Senado.

Iginiit ni Ortega na pinaghandaan nila ang lahat ng maaaring senaryo, kabilang ang fast-tracked trial o mga pagdinig na nakatakda sa Hunyo.

“Reasonable in a way pero still preparing. Wala namang masama kung naghahanda po tayo for any scenario na puwedeng ma-fast track or sa June. Wala po tayong kontrol sa puwedeng mangyari so might as well be ready,” ayon sa mambabatas.

Sinabi pa ni Ortega na sandaling dumalo sa pulong si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez upang ipahayag ang kaniyang suporta sa mga ginagawang pagsisikap sa impeachment.

“Dumaan din si Speaker syempre show of support na kasi may decision na nga ‘tong House. So dumaan lang siya saglit, siguro parang words of encouragement na this is the road we are going into,” saad pa nito.

Nang tanungin kung ano ang mensahe ni Speaker Romualdez sa prosecution team sinabi ni Ortega, “We have to stay true to what we voted upon.”

“Hindi naman po sa pagboto lang po, syempre may kanya-kanyang prinsipyo po ang mga congressman and woman natin. And he assured na kung ano man ‘yung mga desisyon, at saka ‘yung supermajority po kasi yung lumabas na boto, they will have the support of the Speaker.”

Idinagdag ni Dionisio na ang pagdalo ng mga pribadong abogado sa pulong ay nagpapakita ng maaaring kooperasyon sa paglilitis.

“May mga ibang representative pero hindi ko kabisado kung anong law firm. Pero parang ano lang, paramdam siguro, interesado lang sila pero nothing concrete pa at this point as far as I know,” ayon pa kay Dionisio.

Pinaliwanag ni Ortega na karaniwan na ang paglahok ng mga pribadong abogado sa mga impeachment case.

“May possibility na ganon pero ginagawa naman po talaga siya pag impeachment. Allowed naman,” ayon pa sa mambabatas.

Hinggil sa komposisyon ng prosecution team, inamin ni Ortega na hindi lahat ng miyembro ay nakadalo sa pulong dahil sa kanilang mga gawain na kaugnayan sa eleksyon.

“Yung iba out of the country, yung iba nangangampanya,” he said.

Binanggit din ni Ortega na may ilang boluntaryo na nagpahayag ng interes na tumulong sa impeachment team.

“Hindi mo naman masabi, more on signified (that they are) very interested,” ayon pa kay Ortega, na tinutukoy ang mga abogado at legal experts na posibleng maging bahagi ng pagdinig.