Acidre House Assistant Majority Leader Jude Acidre

House Leader: Davao sentro na ba ng drug trafficking?

36 Views

ANG sunud-sunod na malalaking drug bust sa Davao ay nagbunsod kay House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na kuwestiyunin kung nagiging bagong sentro ng iligal na droga ang rehiyon.

Binigyang-diin ni Acidre na tila salungat ang pangyayaring ito sa matinding kampanya kontra droga ng dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Nitong Pebrero 15, nagsagawa ng malawakang operasyon ang mga awtoridad sa Panabo City, Davao del Norte, kung saan nasamsam ang humigit-kumulang 6.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P44.4 milyon at nahuli ang dalawang suspek. Bahagi ito ng sunud-sunod na insidente sa rehiyon.

Noong Pebrero 8, naharang din ang P6.9 milyong halaga ng iligal na droga sa Sirawan Entry Point sa Toril District, Davao City.

Samantala, noong Enero 10, dalawang tao ang naaresto sa isang checkpoint sa Davao City na may bitbit na hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon.

Lubos na ipinahayag ni Acidre ang kanyang pag-aalala sa mga kaganapang ito, na aniya ay nagpapakita ng matinding kabalintunaan sa pagitan ng matapang na retorika kontra droga ng administrasyong Duterte at sa kasalukuyang kalagayan sa Davao.

“Sa ganitong kalagayan, parang kinakain ni Digong ang mga salita niya tungkol sa iligal na droga,” ani Acidre.

Nang magsimula ang administrasyong Duterte noong 2016, kinilala ito sa walang-patid na “war on drugs” na nagresulta sa libu-libong nasawi at malawakang kontrobersya.

Sa kabila ng kampanyang ito, ang pagdami ng mga kaso ng droga sa Davao ay naglalabas ng tanong sa pagiging epektibo at katapatan ng dating administrasyon sa laban kontra droga.

Muling kinuwestiyon ni Acidre kung ang imaheng anti-illegal drugs na ipinalaganap ng mga Duterte ay isa lamang pantakip sa mas malalim at mas masamang aktibidad.

“Bakit tila ang Davao na mismo ang sentro ng bentahan ng shabu? War on drugs nga ba ang isinulong, o war FOR drugs?” tanong ng House leader.

Pinalalalim pa ng ilang rebelasyon ang mga pangamba na ito.

Noong Oktubre 2024, inamin mismo ni dating Pangulong Duterte na nagpatakbo siya ng isang “death squad” noong siya ay alkalde ng Davao City, na may tungkuling puksain ang mga kriminal.

Ang pag-amin na ito ay nagdulot ng masusing pagsusuri sa tunay na kalikasan ng kampanya kontra droga sa rehiyon.

Binigyang-diin ni Acidre ang pangangailangan ng pananagutan at transparency mula kay dating Pangulong Duterte at sa kanyang mga kaalyado.

“Ang publiko ay may karapatang malaman ang katotohanan. Imbes na magpakalat ng fake news, dapat patunayan ni ex-President Duterte na wala siyang kinalaman sa mga drug lord,” ani Acidre.

Hinikayat din niya ang kasalukuyang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga kamakailang drug bust at suriin ang mga estratehiyang ginagamit sa kampanya kontra droga.

“Kailangang alamin natin ang ugat ng pagdami ng iligal na droga sa Davao at siguraduhing mapanagot ang mga nasa likod nito, kahit sino pa sila,” dagdag ni Acidre.

Nanawagan din siya sa gobyerno at sa mga kinauukulang ahensya na palakasin ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga, hindi lamang sa Davao kundi sa buong bansa.

Binibigyang-diin niya na mahalaga ang pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa pamamagitan ng tapat at epektibong aksyon laban sa narcotics trafficking.

“Ang laban kontra iligal na droga ay dapat tapat at walang kinikilingan. Karapatan ng taumbayan na makita ang tunay na resulta at malaman na ang kanilang mga pinuno ay seryoso sa pagsugpo sa salot na ito sa ating lipunan,” giit ni Acidre.