Calendar

House leaders walang nakikitang civil unrest kaugnay ng pag-aresto kay FPRRD
Malalaking rally na ikinakalat sa socmed fake news
WALANG nakikitang basehan ang mga lider ng Kamara de Representantes sa pangamba na magkaroon ng civil unrest kasunod ng pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng kasong kinakaharap nito sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur ang mga ikinakalat na post kaugnay ng mga malalaking rally sa social media ay hindi totoo at nangyari sa ibang bansa.
“I don’t think there should be any reason for us to say that this would lead to something massive because it is not happening. All these pockets of rallies are just a mere sentiment for their supporters expressing their views,” saad ni Adiong sa isang press conference.
Diin pa ng mambabatas, bagamat ipinauubaya na sa mga regional directors na suriin ang mga posibleng banta, wala namang pangangailangan para itaas ang national alert level.
“Nakikinig ako sa interview nung spokesperson ng PNP, sabi naman niya hindi naman naka-high alert. Ibig sabihin, normal naman yung advisory nila,” dagdag niya.
Ipinunto pa ni Adiong na ang mas nakakabahala ay ang pagkalat ng pekeng mga balita sa social media kung saan may mga mapanlinlang na mga imahe at video na pinapakalat para lang palalain ang reaksyon ng sa kas oni Duterte sa ICC.
“Kailangan talaga nating i-counter yung fake news, baka kasi naman yung ibang tao akala nila, even outside, nagko-cause talaga nang civil unrest,” babala niya.
Sinangyunan ito ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union at sinabi na sinasadya ang pagpapakalat na mayroong malaking pag-aaklas na nagaganap kahit hindi ito totoo.
“Kailangan talagang maging discerning lalo sa paglaganap ng fake news. Nakita ko ‘yung mga demonstrations saka rally, puro pink naman ‘yung ilaw. Parang wala naman akong nakita na rally na ganyan. Dun pa lang, questionable na,” ani Ortega.
Tinukoy niya ang hakbang na ginagawa ngayon ng Kamara de Representantes sa pamamgitan ng pagdinig.
“Nagiging problema na iyan, nagiging concern na. Kaya nga po nandyan ang House of Representatives, ang Tri-Com hearing na iyan para ma-preserve nga po ang freedom of speech,” aniya
Nilalayon ani Ortega ng pagdinig na balansehin ang pag protekta sa kalayaan na magpahayag at pagsiguro na hindi nagagamit ang social media para linlangin ang publiko.
“At dito natin makikita kung paano rin nila sinisira ‘yang freedom of speech natin,” dagdag niya.
Nang tanungin kaugnay ng pagtarget sa mga lehitimong mamamahayag dahil sa disinformation, sinabi ni Adiong na mahalagang matukoy ang pagkakaiba sa pagitan ng mapagkakatiwalaang pamamahayag at hindi beripikadong nilalaman ng mga vlog.
“Tama po, kasi may ethical standards po ang mga journalists. They have their own internal policing. So, in terms of facts that they need to provide to the public, may editorial processes ‘yan before they can come out with this information,” paliwanag ni Adiong.
Marami aniya sa mga vloggers ang tumatalon na sa pagitan ng opinyon at makatotohanang pag-uulat na nakakalito sa mga manonood.
“They tend to act as if they are there to provide information when in fact, if you look at it, it’s more of their own opinion backed up by unverified references,” aniya.
Diin ni Ortega na hindi gaya ng vlogging ang pamamahayag ay may sinusunod na propesyunal at ethical na panuntunan.
“We have to delineate which one is opinion and which one is really the facts,” sabi niya.
Hinikayat niya ang publiko na mas maging mapanuri at matalino sa pagkuha ng impormasyon lalo na sa social media.
“Make sure that they are opinions… gusto niyong ipabigay at ito ‘yung mga information updates na ibinibigay ninyo,” ani Ortega.