Bangsamoro

House panel naglabas ng show cause orders sa mga opisyal ng BARMM

14 Views

Na hindi dumalo sa imbestigasyon

NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang House committee on public accounts sa mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang pagpaliwanagin sa kanilang hindi pagdalo sa pagdinig noong Miyerkules ukol sa umano’y iregularidad sa paggamit ng Local Government Support Fund (LGSF) ng rehiyon.

Ang komite, na pinamumunuan ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, ay nagpasya na mag-isyu ng SCOs sa mga opisyal ng BARMM na pinangungunahan ni Regional Parliament Speaker Pangalian Balindong, isang dating House deputy speaker, matapos mapag-alamang “hindi katanggap-tanggap” ang kanilang mga excuse letter.

Kabilang din sa mga inutusan na magpaliwanag ang mayor ng Cotabato City na si Mohammad Ali Matabalao.

Ang paglalabas ng SCO ay batay sa mosyon nina Reps. Keith Flores ng Bukidnon at Romeo Acop ng Antipolo City.

Sa kanilang liham sa komite, binigyang-diin nina Balindong at iba pang opisyal ng BARMM na sila ay hindi dumalo sa unang pagdinig ng komite ukol sa umano’y iregularidad sa LGSF dahil ang regional parliament ay mayroon nang sariling imbestigasyon sa isyu.

Tinanggihan ni Flores, isang committee vice chairman, ang argumento at sinabing may karapatan ang Mababang Kapulungan na gamitin ang oversight power nito sa paggamit ng pampublikong pondo sa anumang bahagi ng bansa.

Aniya, bagamat pinahahalagahan ng mga miyembro ng komite ang inisyatiba ng BARMM Parliament na magsagawa ng sariling pagsisiyasat, “hindi nito inaalis ang pribilehiyo ng Kamara na magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon.”

Sinang-ayunan ito ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at iginiit na ang pondo ng BARMM ay pangunahing nagmumula sa “bloc grants” o subsidiya mula sa pambansang gobyerno na inaprubahan ng Kongreso.

“The power of Congress to allocate funds goes with it the authority to monitor the use of those funds,” aniya.

Binanggit din ni Adiong ang kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon bilang bahagi ng paggawa ng batas.

Aniya, ang naturang pribilehiyo ay walang restriksyon, kahit na may kaparehong imbestigasyon na isinasagawa ng isang rehiyonal o lokal na ahensya.

Sa pagdinig, sa pagtatanong ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, sinabi ni Hedjarah Mangompia-Said mula sa opisina ng Commission on Audit (COA) sa BARMM na naglabas ang rehiyonal na pamahalaan ng kabuuang P6.4 bilyong LGSF sa loob ng anim na buwang panahon—mula Agosto 2024 hanggang noong nakaraang buwan.

Sa kahilingan ni Hataman, nangako ang opisyal ng COA na magbibigay sa komite ng detalyadong listahan ng mga pondong nailabas ayon sa barangay, bayan at lalawigan sa BARMM.

Sinabi rin niya na kasalukuyang sinusuri ng mga auditor ang paggamit ng mga pondong ito.

Sa kanyang privilege speech, ibinunyag ni Adiong na ang opisina ng Chief Minister ng BARMM ay naglabas ng LGSF na nagkakahalaga ng mula P500,000 hanggang P2.5 milyon sa ilang barangay kahit na walang hiling mula sa mga opisyal ng nayon.

Dagdag pa niya, may mga indibidwal na nagpapakilalang taga-BARMM na kalaunan ay lumapit sa mga opisyal ng barangay at hiniling na i-withdraw ang pondo, ibigay ang malaking bahagi ng pera sa kanila at panatilihin lamang ang P200,000.

Bagamat sinabi ni Adiong na P100 milyon ang unang tinatayang halaga ng sangkot na pondo, natuklasan ng komite ni Paduano mula sa mga lokal na opisyal na bilyon na ang naipalabas.

Halimbawa, nakatanggap ang Cotabato City ng hindi bababa sa P150 milyon, habang may ilang barangay na nakatanggap ng mula P30 milyon hanggang P80 milyon.

Ipinahayag ng mga lokal na opisyal sa komite na hindi nila hiningi ang naturang pondo.