Chua1

House panel patapos na imbestigasyon sa paggatos ni VP Sara ng P612.5M confidential funds

39 Views

PATAPOS na umano ang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na kilala rin bilang House Blue Ribbon Committee, kaugnay ng paggastos ni Vice President Sara Duterte ng P612.5 milyon confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ayon sa chairman ng komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua magpupulong ang komite sa Lunes upang isapinal ang imbestigasyon nito, bago pa man magsimula ang proseso ng impeachment laban kay Duterte.

“Bukas (Monday) po, mga miyembro na lamang ang mag-uusap-usap, kami po ay magra-wrap up na (confidential funds) at isa-summarize kung ano ang mga nangyari,” ani Chua sa panayam ng radio program na Bantay Balita sa Kongreso sa Dobol B ng host na sina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño Umali sa dzBB noong Linggo.

Dalawang impeachment complaint na ang naihain laban kay Duterte sa Kamara de Representantes. Kasama sa pinagbasehan nito ang mga nadiskubre sa imbestigasyon ng komite.

“May mga nagpa-file na rin po ng impeachment sa ating Bise Presidente kaya minarapat po namin na i-wrap up na rin ito (confidential funds),” paliwanag ni Chua.

“Nevertheless, ito naman kasi saka-sakaling tutuloy ang impeachment process ay hahayaan na namin na sa impeachment na sagutin ang mga katanungan sa ating Bise Presidente,” dagdag pa ng kongresista.

Ayon kay Chua maaaring gamitin ng House Committee on Justice ang rekord ng kanyang komite sa pagsasagawa nito ng pagdinig sa impeachment complaint na inihain laban kay Duterte.

Nakapagsagawa ng pitong pagdinig ang komite kung saan nadiskubre ang mga iregularidad sa sa paggamit ng confidential funds ni Duterte kasama na ang P125 milyon na naubos sa loob lamang ng 11 araw.

Ipatatawag pa sana ng komite ang dalawang security officer ni Duterte na tumanggap ng confidential funds subalit iniimbestigahan na umano ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaya hindi na nila itinuloy.

“Napag-alaman namin na iniimbestigahan na rin sila ng AFP. Kaya hahayaan namin ang AFP na mag-conduct ng kanilang sariling investigation dahil sakop nila ito,” paliwanag ni Chua.

Nadiskubre rin sa imbestigasyon ang pagtanggap ni Mary Grace Piattos ng confidential funds. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) walang rekord si Mary Grace Piattos sa kanilang data base kaya pinagdudahan kung totoong tao ito.

Ginamit din ng OVP ang P16 milyong confidential funds nito sa pag-upa ng 34 safe house sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Ginamit din ng OVP ang P15 milyong confidential fund nito sa youth leadership summits ng Philippine Army.

Pero ayon sa mga opisyal ng sundalo wala silang tinanggap na confidential fund mula sa DepEd.