Calendar
House prosecution:1st linggo ng paglilitis sa impeachment, ginawang ebidensya ang mga paratang
SINABI ng House prosecution nitong Sabado na ang unang linggo ng paglilitis sa impeachment ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte ay naging mahalagang yugto kung saan ang mga paratang sa ilalim ng ikaapat na artikulo ng impeachment ay nagsimulang maging mga ebidensya, bilang panimula sa kanilang pagsisikap na patunayan sa Senado, na nagsisilbing impeachment court, ang akusasyong nagbanta nang malubha ang Pangalawang Pangulo laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, lampas na ang prosekusyon sa simpleng mga paratang na nakasaad sa Articles of Impeachment at nagsimula na itong magharap ng mga ebidensyang sumailalim na sa cross-examination.
“Nakita natin sa unang linggo ang paglipat mula sa mga paratang tungo sa mga ebidensya. Ang bawat prosekusyon ay nagsisimula sa mga paratang at kailangang magtapos sa pagpapatunay,” ani De Lima sa Saturday News Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Sa Artikulo IV ng reklamo sa impeachment, inaakusahan si Duterte ng paggawa ng mabibigat na pagbabanta at pag-uudyok sa sedisyon kaugnay ng kanyang mga pahayag noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi niyang umano’y kumuha siya ng isang tao upang patayin sina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.
Binuksan ng prosekusyon ang kanilang kaso sa pamamagitan ng pagharap kay National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung, na ang testimonya ay naglalayong patunayan ang pagiging tunay ng mga video recording na naglalaman ng mga pahayag ni Duterte.
“Mahalaga ang unang linggo dahil sinimulan ng prosekusyon na gawing ebidensya ang mga paratang na nakasaad sa Articles of Impeachment, at ang mga ito ay nasuri o sumailalim sa cross-examination,” ani De Lima.
Sinabi niya na ang testimonya ni Calilung ay unang hakbang pa lamang sa pagpapatunay ng sakdal, at binigyang-diin na bawat testigo ay may natatanging papel sa pagbuo ng kaso ng prosekusyon.
“Kaya hindi rin ito nagtatapos sa isang testigo lamang. Ang kabuuan ng ebidensya ang tunay na pundasyon ng isang kaso, dahil bawat testigo ay may tiyak na papel na ginagampanan,” dagdag ni De Lima.
Aniya, maghahain pa ang prosekusyon ng iba pang mga testigo upang patibayin ang mga na-authenticate na video recording, ipaliwanag ang kahalagahan ng mga digital na ebidensya, at talakayin ang mga natuklasan sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation.
“Napakahalaga ng naging papel ng unang testigo sa pagpapatunay sa pagiging tunay ng mga video,” pagtatapos ni De Lima.

