Calendar

House Prosecutor nangangamba na lalong maantala impeachment laban kay VP Sara
NANGANGAMBA ang isang miyembro ng House prosecution panel na posibleng lalo pang maantala ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ipagpaliban ang pagbasa ng Articles of Impeachment sa Senado.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor ng Iloilo, sa panayam sa programang Isyung Pambayan sa dzRH, ang panunumpa ng mga senador bilang hukom sa impeachment court ay mauurong kasunod ng desisyon ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na huwag ituloy ang pagbasa ng kaso sa Hunyo 2 at gawin na lamang ito sa Hunyo 11.
“Sa original schedule, dapat June 2 ang presentation ng Articles of Impeachment. Babasahin na. At dapat June 3 o sa susunod na araw ay magte-take oath ang ating mga senador (bilang judges),” ani Defensor.
“Ngunit kung nilipat natin sa June 11 ang presentation ng Articles, sa susunod na araw, holiday na, dahil Independence Day. Malamang, made-delay tayo niyan,” sinabi ng mambabatas.
Sa hiwalay na panayam sa dzBB, sinabi naman ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list na sabik na ring inaabangan ng Kamara de Representantes ang aksyon ng Senado sa Hunyo 11.
“Sinabi ng Senado na they will take it up on June 11. I think hindi lang po kami sa Kamara, kundi ang buong bansa ay aabangan po ang magiging hakbang ng Senado sa June 11,” pahayag ni Acidre.
Sinabi ni Acidre na aasa siya sa pangako ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na tutuparin ng mga senador ang kanilang mandato sa ilalim ng Konstitusyon na talakayin ang impeachment complaint.
“Pero ako gusto ko na lang panghawakan ‘yung sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada na gagampanan ng Senado ang kanilang constitutional duty na talakayin ang impeachment case na naka-file sa kanila,” giit ni Acidre.
Sinabi niya na ang pagpapatuloy ng paglilitis ay isang usapin na may kinalaman sa integridad ng demokrasya ng bansa.
“Kasi sa totoo, hindi lang ito usapin ng pulitika, hindi lang ito usapin ng kung sino ‘yung nasasakdal, ito po ay usapin ng integridad ng ating demokrasya. If we cannot, if we keep on postponing, the only option available for us to hold our public officials accountable, siguro ang kailangan natin baka anong klaseng demokrasya tayo nagiging,” dagdag pa ni Acidre.
Paliwanag naman ni Defensor, “So ang maga-adjourn, sine die lang, ay ‘yong legislative power ng ating Senado sa ilalim ng kanilang Senate Rules of Procedure. Ang impeachment trial ay isang kakaibang proseso. Hindi ito legislative action… At sa ilalim ng ating Saligang Batas, kapag nasimulan na ang trial ay walang kondisyon ito na titigil kung mag-adjourn ang Senado.”
Binigyang-diin niya na maaaring umabot ang paglilitis hanggang sa papasok na ika-20 Kongreso at ipagpatuloy hanggang sa maibigay ang pinal na hatol.
Umaasa ang prosecution team na matutuloy pa rin ang aktwal na paglilitis sa Hulyo 30, na unang inanunsyo ni Escudero, ngunit nagbabala si Defensor na ang karagdagang pagkaantala ay maaaring makasama sa proseso.
“Sang-ayon sa kalendaryo ng ating Senate President, ang pormal na trial ay sa July 30 pa…Sige tanggapin natin na na-delay ang reading of Articles of Impeachment. Lalo na’t bilang isang abogado o isang prosecutor, eh tanggap namin ang desisyon ng magiging court ng paglilitis na ito. Ang ayaw lang namin, kapag lalong tumagal mismo ang petsa ng actual trial, para hindi na sana na mag-delay pa itong proseso,” ayon pa sa kongresista.
Tungkol naman sa desisyon ng Pangulo ng Senado na ilipat sa Hunyo 11 ang paglalatag ng impeachment charges upang bigyang-daan ang legislative agenda ng Senado, sinabi ni Defensor na siya ay sang-ayon sa desisyong ito.
Subalit, aniya, mas mahalaga na bigyang-daan muna ang proseso ng pagpapanagot sa Bise Presidente sa pamamagitan ng impeachment kaysa unahin ang ibang gawain sa Senado.
“Tama naman na tapusin natin ang ating mga pending legislative matters, lalo na ‘yung mga priority bills. Ngunit sana, maintindihan ng ating mga senador na ang impeachment ay ang pinaka-importante at pinakamataas na uri ng paglilitis sa ating bansa,” diin pa ni Defensor.