Just In

Calendar

February 2025
M T W T F S S
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
2425262728  
Chua Manila Rep. Joel Chua

House prosecutors ipapa-subpoena bank records ni VP Sara sa impeachment court

22 Views

PLANO ng mga prosecutor ng Kamara de Representantes na ipa-subpoena ang mga bank record ni Vice President Sara Duterte bilang bahagi ng kanilang estratehiya upang mas mapatibay ang mga ebidensyang hawak nila, kapag nagsimula na ang pagdinig ng Senate Impeachment Court.

Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, isa sa mga prosecutor ng Kamara, makakatulong ang mga bank record upang mapatunayan ang ilan sa mga articles of impeachment laban sa Ikalawang Pangulo.

Una nang inanunsyo ng Senado na magsisimula ang pagdinig ng impeachment court matapos ang pagbubukas ng sesyon sa Hunyo 2. Inihain ng Kamara ang articles of impeachment sa Senado noong Pebrero 5.

“The impeachment process allows us to complete the evidence to support our case, and that includes subpoenaing financial records, if necessary, through the Senate impeachment court,” ani Chua.

“The Bank Secrecy Law provides an exception for impeachment cases, and we intend to use all legal means to secure relevant documents, in addition to the evidence already present, that will aid in the trial,” giit pa nito.

Naipasa na ng Kamara ang articles of impeachment sa Senado, bagama’t hindi pa opisyal na nagko-convene bilang impeachment court.

Tiniyak naman ng House prosecutors na handa silang iharap ang mga ebidensya laban sa Pangalawang Pangulo sa oras na magsimula ang paglilitis.

Bagama’t naka-recess ang Kongreso dahil sa nalalapit na pangangampanya ng mga tumatakbo sa midterm elections, tiniyak ni Chua na nananatiling abala ang prosecution team ng Kamara sa paghahanda para sa nalalapit na paglilitis ng Senado.

“This will not prevent us from doing our job. We will ensure that when the trial begins, and as we proceed, we have the necessary documents, testimonies and financial records to present. We have a strong case against the Vice President,” paliwanag ni Chua.

Binanggit ni Chua na batay sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution, kapag naipasa na ng Kamara ang mga articles of impeachment, ang Senado lamang ang may kapangyarihang litisin at pagpasiyahan ang kaso.

Ang mga bank account ni Duterte, gayundin ang joint account kasama ang dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, ay matagal ng bahagi ng imbestigasyon.

Matatandaang iginiit ni dating Sen. Antonio Trillanes na mayroon umanong malaking halaga ng deposito ang naturang account. Kasama rin ang naturang bank account sa natalakay ng House quad committee.

Tumanggi naman ang dating pangulo na maimbestigahan ang naturang joint account. Matatandaan na tila napikon ang dating pangulo nang hamunin ni Trillanes sa quad comm hearing na pumirma ng waiver upang mabuksan ang account.

Sa ilalim ng Republic Act No. 1405 o Bank Secrecy Law, ang mga rekord ng bangko ay confidential, maliban na lamang sa mga kaso ng impeachment ayon sa isinasaad sa Section 2.

Dahil sa pagkaka-impeach ng Kamara kay Duterte, maaaring gamitin ng prosecution team ang “exemption” na ito upang masilip ang mga rekord sa bangko ng ikalawang pinakamataas na opisyal sa bansa.

Ang legal principle na ito ay una na ring pinagtibay sa 2012 impeachment trial ng noo’y si Chief Justice Corona kung saan sa pamamagitan ng subpoena ay nabuksan ang kanyang mga rekord sa bangko at ginamit bilang ebidensya upang patunayan ang mga paratang ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi pagdedeklara ng lahat ng kanyang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), dahilan upang mahatulan at pagpapatalsik nito sa pwesto.

Sa parehong konteksto, kasama sa mga artikulo ng impeachment laban kay Duterte ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.

“If public funds were misappropriated, the Filipino people have the right to know, and as prosecutors, we have the duty to uncover any such misappropriation. We will consider requesting subpoenas for bank records and, if necessary, seek judicial enforcement to ensure compliance,” wika ni Chua.

Pinag-aaralan din ng mga taga-usig ng Kamara ang pakikipag-ugnayan sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Commission on Audit (COA) upang masubaybayan ang mga financial transaction na maaaring may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng bayan.

Kahit nasa recess ang Kongreso, tiniyak ni Chua sa publiko na aktibong naghahanda ang House prosecution team para sa paglilitis sa pamamagitan ng:

– Pagsusuri sa mga hawak na ebidensya,

– Pagkuha ng karagdagang documentary records upang patibayin at kumpletuhin ang ebidensya,

– Pakikipag-ugnayan sa mga financial agency para sa karagdagang imbestigasyon,

– Paghahanda ng mga posibleng testigo.

“The recess does not stop our work. The prosecutors are reviewing evidence, gathering testimonies, and ensuring that we are ready once the Senate acts,” diin pa ni Chua.