Martin3

House Speaker Martin Romualdez pinapurihan ang mga law enforcement agencies na naging masigasig laban sa smuggling at hoarding

Mar Rodriguez Feb 23, 2023
211 Views

PINAPURIHAN ngayon ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang ipinakitang pagsisikap ng mga awtoridad sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP) para sawatain ang talamak na smuggling at hoarding ng mga agricultural products tulad ng sibuyas at bawang.

Nais ni Speaker Romualdez na mas lalo pang paigtingin at pag-ibayuhin ng mga “law enforcement agencies” ang kampanya nito laban sa palasak na smuggling at hoarding ng mga mga produktong agrikultura.

Sinabi ni Romualdez na kinausap nito ang mga law enforcement agencies upang magsagawa sila ng raid sa mga warehouses o bodega ng mga hinihinalang smugglers at hoarders ng sibuyas at bawang na lalong nagpapahirap aniya sa taong-bayan partikular na sa mga magsasaka.

Binigyang diin ng House Speaker na ang ginagawang smuggling at hoarding ng mga sindikatong nag-ooperate sa likod nito ang nagiging dahilan ng inflation at pagtaas sa presyo ng mga bilihin. Kung saan, ipinahayag ni Romualdez na kailangang magtuloy-tuloy ang kampanya laban sa nasabing modus-operandi.

“I reiterate my warning to this evil hoarders and unscrupulous businessmen. We are breathing down your necks. Tuldukan na ninyo ang inyong mga gawain na nagpapahirap sa ating mga kababayan,” ayon kay Romualdez.

Ipinaliwanag pa ni Speaker Romualdez na masyadong mabigat ang problema ng smuggling at hoarding sapagkat nagkasanga-sanga na aniya ang epekto nito. Kabilang na dito ang inflation, nagsilbing pasakit para sa mga magsasaka, consumers at nagdulot din ng kahirapan sa bansa.