Calendar
Human traffickers nalalamangan mga institution gamit social media
NAGBABALA nitong Biyernes si Senador Loren Legarda na nilalamangan na ng mga trafficker ang mga institusyon, gamit ang social media, deepfake technology, at cross-border payment systems upang magrekrut at manamantala sa kababaihan at mga batang babae, habang lalo ring pinahihirap ng teknolohiya ang pagkuha ng ebidensiya at pagpapanagot.
Sinabi ni Legarda na nagpapatuloy ang trafficking sa kabila ng umiiral na mga batas laban dito, kabilang ang Republic Act Nos. 9208, 10364, 11862, at 11930. Ayon sa kanya, kabilang pa rin ang kababaihan at mga batang babae sa mga higit na nanganganib na mabiktima ng pagsasamantala.
“Before traffickers hid behind usernames, encrypted chats, and closed groups, I saw exploitation in its rawest form. As a young journalist, I documented how women and children were traded through illegal recruiters and organized syndicates. When I entered the Senate, one of the first measures I pursued was an anti-trafficking in persons law,” ani Legarda.
Batay sa datos ng Inter-Agency Council Against Trafficking, sinabi ni Legarda na 445 biktima ang natulungan noong nakaraang taon, at karamihan sa kanila ay kababaihan at mga batang babae.
Sa kabuuang bilang, 163 ang biktima ng sex trafficking, kabilang ang 161 babae at dalawang lalaki, habang 104 naman ang biktima ng labor trafficking, kabilang ang 58 babae at 46 lalaki.
Sinabi rin niya na karaniwan nang nagaganap online ang recruitment sa pamamagitan ng pekeng alok na trabaho, huwad na pagkakakilanlan, at emotional manipulation, habang mas pinahihirap ng deepfake technology ang pagkuha ng ebidensiya at pagpapanagot.
Binanggit din ni Legarda ang pag-uwi noong 2024 sa 706 posibleng Pilipinong biktima ng trafficking sa tulong ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers. Aniya, marami sa kanila ang pinagsamantalahan sa online scam operations sa Myanmar, Cambodia, at Laos, na mas mataas kaysa sa 431 noong nakaraang taon.
Tinukoy rin niya ang isang 2025 Reuters investigation tungkol sa chatbot policy ng Meta bilang bahagi ng kanyang babala sa mga panganib sa internet na kinahaharap ng mga bata, lalo na ng mga batang babae.
“This Women’s Month, let us move beyond declarations and commit to measurable outcomes stronger identification systems, tighter digital enforcement, sustained prosecution, and reintegration services that allow survivors to rebuild with security and dignity,” saad ni Legarda.

