Tolosa Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., House legal spokesperson

Humiling ang House prosecutors ng 62 trial dates sa impeachment case ni VP Sara

81 Views

HUMILING ang House prosecution panel sa Senate impeachment court ng 62 araw ng paglilitis para sa presentasyon ng kanilang mga ebidensiya at mga testigo sa impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte, kumpara sa 30 araw ng paglilitis na hinihiling ng depensa.

Ayon kay House legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., nakabatay ang kahilingan ng prosekusyon sa bilang ng mga testigo at ebidensiyang nakasaad sa kanilang pre-trial brief.

“Humiling ang prosekusyon ng 62 trial dates at ang depensa naman ay humiling ng 30,” pahayag ni Tolosa sa isang press briefing sa Senado.

Nilinaw niya na hindi nangangahulugang aabot talaga sa 62 araw ang paglilitis, dahil maaari pa itong umikli kung papayagan ng impeachment court na higit sa isang testigo ang maiharap sa bawat araw ng pagdinig.

Binanggit ni Tolosa na nakalista sa pre-trial brief ng depensa ang 97 testigo, kabilang ang maraming testigong nakalista rin ng prosekusyon, sa kabila ng kanilang kahilingan para lamang sa 30 trial dates.

“Kaya ang tanong ay paano sila nakapagtala ng 97 testigo ngunit 30 trial dates lamang ang kanilang hinihingi,” aniya.

“Maaaring indikasyon ito na wala talagang intensiyon na iharap ang lahat ng mga testigong iyon, ngunit siyempre, ayaw naming pangunahan kung ano ang mga hakbang na nais nilang gawin,” dagdag niya.

Ayon kay Tolosa, mayroong 51 magkakaparehong testigo na nakalista ang magkabilang panig, na binubuo ng 16 na pinangalanang testigo at 35 hindi pinangalanang testigo.

Aniya, ang ilan sa mga testigo ng depensa ay tinukoy lamang batay sa kanilang tanggapan, gaya ng mga kinatawan mula sa Office of the Vice President (OVP) at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sinabi rin ni Tolosa na inangkin o isinama ng depensa ang malaking bahagi ng mga dokumentaryong ebidensiya ng prosekusyon.

“Para sa mga exhibits, mayroon tayong 248 common exhibits, ibig sabihin, 248 sa 276 exhibits ng prosekusyon ay halos kinopya rin sa kanilang pre-trial brief o isinama rin bilang kanilang ebidensiya,” ani Tolosa.

Ayon pa sa kanya, ang pinal na bilang ng mga trial dates ay pagpapasyahan ng Senate impeachment court sa ilalabas nitong pre-trial order.

“Makikita natin sa pre-trial order kapag ito ay inilabas na kung ilan talaga ang ilalaang mga araw ng paglilitis para sa bawat panig,” pagtatapos ni Tolosa.