Noel Damot

Huwad ang pangakong kulay rosas

Noel Damot May 4, 2022
309 Views

GAYA ng inaasahan tuwing panahon ng eleksyon sa Pilipinas, iba’t ibang grupo ang lumalabas upang ipahayag ang kanilang suporta sa kanilang napiling kandidato.

At sa simula pa lang ng kampanya, ang kandidatong lumilitaw na may pinakamaraming endorsement ay si Leni Robredo – ang kandidatong matuturing na isang anomalya dahil siya’y tumatakbo bilang isang independent habang nananatiling kasapi at tagapamuno ng dating makapangyarihang Liberal Party.

At hindi itinatago ng mainstream media ang kanilang pagkiling para kay Robredo sa walang humpay na pag-uulat ng mga pinakabagong grupo na diumano’y nagpahayag ng kanilang suporta kay Robredo. Kaya maaaring napansin niyo na ang social media newsfeed mo ay puno ng mga ulat ng mga nag-eendorso kay Robredo.

Mula sa mga retiradong militar, mga dating opisyal mula sa nakaraang administrasyon, mga propesyonal na grupo at mga organisasyon ng mga doctor, abogado at inhinyero, ang mga kaparian, mga bikers (https://mb.com.ph/2021/05/03/robredo-supporters -organize-bikers-for-leni/), cheerleaders (https://www.spin.ph/life/guide/college-cheerleaders-from-different-schools-unite-to-create-cheerleaders-for-leni-a2442 -20220211), mga pribadong eskwelahan, ay naglabas ng deklarasyon ng pagsuporta para kay Robredo.

Ang problema sa mga pag-endorso tulad ng nanggagaling sa iba’t ibang grupo at mga pribadong eskwelahan ay sa pagpapanggap na sila ay kumakatawan sa sentimyento ng mga kasapi nila. Paano nila masasabi na buong-buo ang pagsuporta nila sa isang kandidato?

Gayundin sa pagendorso ng mga pari ng simbahang Katoliko, paano nila masasabi na ang napiling kandidato ng mga pari at siya ring napiling kandidato ng lahat ng Katoliko sa Pilipinas?

Sa dami ng mga grupo na lumabas para i-endorso si Robredo, aakalain mo na nadagdagan at dumami ang mga botanteng sumusuporta at boboto sa kanya.

Pero hindi.

Ayon sa pinakahuling survey, si Robredo ay nananatiling No. 2 at nangungulelat sa nangungunang kandidatong si Ferdinand Marcos, Jr. o BBM.

Malinaw rito na sa kabila ng lahat ng mga endorsement, hindi lahat ng mga nag-aaral sa mga pribadong eskwelahan, at mga miyembro ng mga propesyunal na grupo ay sumusuporta at boboto kay Robredo.

At dahil nga nangungulelat si Robredo, inilunsad ng kampo niya ang pagbabahay-bahay para ma “educate” kuno ang mga botante.

Ang pasya nilang magbahay-bahay ay isang pagkilalang hindi si Robredo ang napipiling kandidato ng karamihan at hindi tumatak sa publiko ang kanyang mensaheng “rosas ang kulay ng bukas”.

Pero ang hindi nauunawaan ng kampo ni Robredo na ang pag-anunsyo ng pag-endorso ng iba’t-ibang grupo sa No. 2 na si Robredo ay hindi makakatulong sa pagpapadagdag at pagpaparami ng mga sumusuporta sa kanya. Hindi rin ito makakatulong sa layunin nilang makumbinsing bumaliktad ang mga taga-suporta ni BBM at ang mga tinatawag na undecided voters.

Bukod pa rito, ang mga pag-endorso at pag-uulat na ginawa ng mainstream media ay tila pinupuntirya ang isang piling demographic – ang mga nasa middle at upper socio – economic classes – tulad ng mga propesyonal (mga doktor, abogado, inhinyero,…), at ang mga may kakayahang pumasok sa mga pribado at mamahaling eskwelahan.

Sa isang bansa na may 67 milyong rehistradong botante, ang mga nasa socio-economic classes na A, B at C ay binubuo lamang ng 10% ng kabuuang populasyon ng mga rehistradong botante o humigit-kumulang anim na milyong boto na kulang upang manalo sa isang pambansang posisyon. At tulad ng nakikita sa pinakahuling mga survey, hindi lahat mula sa nasabing socio – economic classes ay gusto o boboto kay Robredo.

Samantala, ang mga endorsement na ginawa ng halos lahat ng mga pribado at mamahaling unibersidad pati na rin ng mga grupo tulad ng Bikers for Leni at Cheerleaders for Leni ay walang halaga sa mga hindi kabilang sa socio-economic class A, B at C, at kumakatawan sa higit na maraming mga rehistradong botante.

Sa mga botanteng ito, ang mga ganitong pag-endorso na ginawa ng mga pribadong eskwelahan ay ipinapamukha lamang sa kanila ang kanilang mababang kalagayan sa buhay lalo na’t halos hindi nila kayang paaralin ang mga anak nila, lalo na sa mga pribadong paaralan.

Sa mga botanteng ito, walang benepisyong makukuha sa pagboto kay Robredo na nakikita nilang hawak ng mga oligarko at magsusulong lamang ng mga interes ng oligarkiya, habang sila ay mananatiling mahirap at nasa laylayan ng lipunan.

Sa mga botanteng ito, ang campaign slogan ni Robredong “rosas ang kulay ng bukas” bagamat masarap at matamis pakinggan ay isang pangakong walang laman.

Dahil dito, tinatanggihan ng mga botante ang anumang panunuyo na nagtatangkang kumbinsihin silang lumipat at suportahan si Robredo tulad ng ginagawa ng kampo ng huli sa kanilang pagbabahay-bahay.

Para sa mga botanteng ito, ang ginagawang pagbabahay-bahay ng mga tagasuporta ni Robredo ay isa lamang halimbawa kung paano sila pagsasamantalahan ng mga nakakataas sa ng lipunan, na naaalala lamang sila sa panahon ng eleksyon at kakalimutan pagkatapos ng halalan. Bakit nga naman kasi sa nakalipas na anim na taon, nitong nakaraang buwan lamang sila dinalaw para kumustahin ng mga taga-suporta ni Robredo?

Maaring makuha ni Robredo ang mga pag-endorso mula sa lahat ng mga propesyonal, mga exclusibo at mamahaling ekwelahan, ngunit hindi niya makukuha ang pinakamahalagang suporta mula sa mga nasa laylayan ng lipunan.