bro marianito

Huwag natin basta husgahan ang ating kapwa na para bang tayo ang Diyos (Juan 8:1-11)

452 Views

“Patuloy sila sa pagtatanong kaya’t tumayo si Jesus at nagsalita. “Ang sinoman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kaniya”. (Juan 8:7 – Mabuting Balita Biblia)

MAYROONG isinusulong na panukalang batas ngayon sa Kongreso na ang layunin ay mabigyan ng kompensasyon ang mga taong nakulong ng walang kasalanan o walang sala. Ang ibig sabihin ay babayaran ang mga taong nakulong pero napatunayan na wala naman pa lang kasalanan.

Kung tawagin ang ganitong kaso ay “wrongly accused”. Sa loob ng mahabang panahon na pagkakakulong ng isang tao, doon pa lamang mapapatunayan na mali pala ang naging hatol sa kaniya ng Hukuman. Mapawalang sala man siya subalit nabigyan ba talaga ng katarungan ang kaniyang paghihirap?

Maganda ang layunin ng batas dahil kahit papaano ay mabibigyan pa rin ng katarungan o hustisya ang mahabang panahon na tiniis ng isang tao sa loob ng bilangguan. Subalit mapatunayan man na wala pala siyang kasalanan pero maibabalik pa kaya ang buhay na nawala sa kaniya?

Mabigyan man siya ng kompensasyon para sa danyos na idinulot ng maling paghatol sa kaniya ng Korte. Ngunit hinding-hindi na nito maibabalik pa ang buhay na nawala sa isang tao. Kaya bang bayaran ng salapi ang pamilya niyang nagkawatak-watak dahil sa kaniyang pagkakakulong?

Maibabalik ba ng salapi ang asawa ng dating bilanggo na nag-abandona sa kaniya at nag-asawa ng iba? Malilinis din ba ng kompensasyon ang imahe o tatak ng kulungan na nakakulapol na sa pagkatao ng isang dating bilanggo? Bagama’t napatunayan na wala naman siyang kasalanan?

Mensahe ng Ebanghelyo:

Ganito ang mensaheng ibinibigay sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Juan 8:1-11) patungkol sa madaling pang-huhusga ng mga tao sa kanilang kapwa na inilalarawan ng Ebanghelyo sa isang babaeng nahuling nakikiapid na dinala ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan kay Jesus.

Winika ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan kay Jesus na ang nasabing babae ay nahuli sa aktong nangangalunya kaya dapat lamang na batuhin ito hanggang sa mamatay alinsunod sa kautusan ni Moises. Hinihingi nila ang opinyon ni Kristo tungkol sa bagay na ito. (Juan 8:3-6)

Hindi sila iniintindi ni Jesus kahit patuloy sila sa pagtatanong. Sapagkat yumuko lang siya at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang daliri (Juan 8:7). Ipinapakita lamang nito na hindi agad-agad hinuhusgahan ng Panginoong ang sinomang tao kahit gaano pa kabigat ang kaniyang kasalanan.

Minsan, napakadali para sa atin ang husgahan ang ating kapwa na para bang pinalalabas natin na tayo’y mabuti o righteous, malinis at perpekto. Samantalang ang tingin natin sa iba ay masama, marumi at makasalanan kaya hindi tayo nangingiming hatulan sila tulad ng mga Pariseo.

Hindi na natin kayang linisin ang dungis o mantsa na idinulot ng maling ausasyon na inihatol natin laban sa ating kapwa. Sapagkat ang ating pangha-hatol sa ibang tao ay napakabigat na para bang tayo ang Diyos. Samantalang hindi natin nakikita ang sarili nating karumihan o kasalanan.

Marahil ay dapat muna natin unahing linisin ang sarili natin karumihan sapagkat maaaring hindi natin napapansin na mas marumi pa pala tayo o mas makasalanan kumpara sa taong dinidikdik natin. Dapat tiyakin muna natin na malinis tayo bago natin sila batuhin o pukulin ng bato.

Tularan natin ang habag ni Jesus (ang awa ng Diyos):

Itinuturo ng Ebanghelyo na tularan natin ang habag ng Panginoon na makatarungan sa lahat ng tao at hindi niya basta-basta hinahatulan ang mga tao kahit paulit ulit tayong nagkakasala. Sa katunayan, binibigyan pa nga niya ng pagkakataon ang mga makasalanan na magbalik loob sa kaniya.

Maraming beses na tayong nadadapa dahil sa dami ng ating mga kasalanan. Subalit kung gaano man karami ang mga pagkakasala natin, ganoon din karaming beses na tayo’y ibinangon at inahon tayo ng Panginoon. Sa halip na hatulan tayo ng Diyos. Awa ang ibinibigay niya sa atin na mga makasalanan.

Sa Pagbasa, hindi niya hinatulad ang babaeng nahuli sa pakiki-apid kundi pinatawad niya (Juan 8:11). Ganoon din naman ang ginagawa sa atin ng Panginoon, pagpapatawad sa ating mga kasalanan ang kaniyang ibibigay dahil naiintindihan niya ang ating mga kahinaan.

Kapag ang isang tao ay nadapa o kaya ay nagkasala. Ang dapat natin gawin ay ibangon siya at bigyan ng pagkakataon na magbagong buhay. Hindi yung nadapa na nga ay lalo pa natin siyang sisipain. Kaya naman ay lalo pa natin siyang ilulugmok sa putikan. Paano siyang makakabangon kung ganito ang gagawin natin?

PANALANGIN:

Panginoon, nawa’y matutunan namin ang maging mahabagin sa aming kapwa at huwag naming basta hatulan at husgahan ang mga tao sa aming paligid. Matutunan nawa namin ang maging tulad mo na mayroong pusong makatatungan at maaawin para sa mga makasalanan.

AMEN

Binabati pala natin ng Happy Birthday si Ms. Libby na staff ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay congresswoman ng Pampanga. Happy Birthday Ms. Libby. Pagbati din kay OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino at sa kaniyang staff na si Ms. Monique. God Bless po.