bro marianito

Huwag natin sayangin ang pagkakataon, talent at mga bagay na ibibigay o ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon (Mateo 25:14-30)

344 Views

TalentoSinabi ni Hesus, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay. Kaya tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang ari-arian”. (Mateo 25:14)

ANG BAWAT isa sa atin dito sa ibabaw ng mundo ay binigyan ng Panginoong Diyos ng ating kani-kaniyang tungkulin na kailangan natin gampanan. Binigyan ang bawat isa sa atin ng pagkakataon para paghusayin at pagbutihin ang mga bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Minsan lamang tayong mabubuhay dito sa ibabaw ng lupa – “You Only Live Ones o YOLO” – kaya hindi natin dapat sayangin ang bawa’t oportunidad at pagkakataon na ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon. Maliit man o malaki. Ito ang aking napagtanto nitong mga nakalipas na araw.

Ako ay nagkaroon ng karamdaman. Ako ay tinamaan ng matinding sakit at kasalukuyang nagpapagaling. Pinayuhan ako ng aking doctor na ingatan na ang aking kalusugan at higit sa lahat ay ihinto na ang aking pag-iinom ng alak, pagpupuyat at pagkain na hindi mabuti sa aking kalusugan o unhealthy.

Kapag hindi pa daw ako nag-ingat sabi ng aking doctor. Baka sa susunod ay magkaroon na ako ng lung cancer o cancer sa baga. Napag-bulaybulayan ko na napaka-bata ko pa para magpaalam sa mundo. Marami pa akong gustong gawin at marahil ay marami pa akong maaaring magawa.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 25:14-23) patungkol sa talentong ipinagkaloob at ipinagkatiwala ng Panginoong Diyos sa bawat isa sa atin upang ito’y ating pagyamanin katulad ng isang halaman na kailangan natin pagyabungin, alagaan at huwag ipagwalang bahala.

Mababasa natin sa kuwento na ipinagkatiwala ng amo sa kaniyang tatlong katulong ang kaniyang ari-arian bago ito mangibang-bayan. Ibinigay niya ang kaniyang ari-arian sa kanila batay sa kanilang kakayahan (Mateo 25:14-15). Dedepende na lamang sa diskarte ng tatlong katulong kung papaano nila pagyayamanin o palalaguin ang ipinagkatiwala sa kanila ng kanilang amo.

Kilalang-kilala tayo ng Panginoon, kabisado niya ang ating kakayahan kaya ang ipinagkatiwala niya sa atin ay alinsunod o batay lamang sa ating kakayahan o talento. Kaya kung mapapansin niyo na ang ilan sa atin ay abogado, doctor, engineer habang ang iba naman ay skilled workers.

Kahit ang iba ay isang janitor lamang. Subalit hindi naman ito nangangahulugan na mababa na ang uri ng kaniyang propesyon sapagkat may mga janitor ang umaasenso at umaangat sa buhay katulad ng isinasaad ng Pagbasa. “Sapag ang sinoman meron, bibigyan pa siya at mananagana at magkakaroon ng sagana nang saga”. (Mateo 25:29).

Kaya uulitin natin, depende sa diskarte natin kung papaano natin pagyayamanin at palalakihin ang talentong ipinagkatiwala at ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos – maliit man o malaki. Tayo na ang bahala gumawa ng paraan kung paanong diskarte ang gagawin natin para tayo ay umasenso sa buhay.

Kung maghapon lamang tayong magtutu-tulog at buong araw din tayong mag-iistambay. Talagang walang mangyayaring maganda sa ating buhay o kinabuksan. Sinasayang lamang natin ang talento na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Katulad din tayo ng katulong na humukay sa lupa at ibinaon ang isang talento na tinanggap niya sa kaniyang amo. Papaanong gaganahan ang Diyos na biyayaan tayo kung hindi naman niya tayo nakikitaan ng pagsisikap? (Mateo 15:18)

Ang talento katulad na mababasa natin sa Ebanghelyo ay walang ipinagkaiba sa mga bagay na mayroon tayo ngayon gaya ng ating talino, yaman, maayos na pamumuhay at higit sa lahat ang ating kalusugan maging ang ating buhay pananampalataya. Ang lahat ng bagay na ito ay kailangan natin pagyamanin at ingatan.

Kalusugan: Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng maayos na kalusugan ng Panginoon. Sapul ng tayo ay iniluwal dito sa ibabaw ng mundo, hindi tayo dinapuan ng karamdaman o isang malubhang sakit. Subalit ano ang ginagawa natin sa ating sarili? Hindi ba’t masyado natin inaabuso ang ating katawan?

Katulad tayo at ako ng katulong sa Pagbasa na ipinagwawalang bahala at hindi iniingatan ang talento (kalusugan) na ipinagkaloob at ipinagkatiwala sa atin at sa akin ng Diyos. Magigising lamang tayo at ako sa katotohanan na “mahalaga pala” ang ating kalusugan kapag tinamaan na tayo at ako ng sakit.

Talino: May ilan din sa atin na biniyayaan ng talino subalit saan ba nila ginagamit ang talinong ipinagkatiwala lamang sa kanila ng Panginoo? Hindi ba’t ginagamit nila ang kanilang talino sa panglalamang o pandaraya sa kanilang kapwa? Sa halip na gamitin nila ito para tulungan ang mga taong hindi kasing palad nila.

Ang buhay natin dito sa ibabaw ng mundo ay hindi “unlimited” o walang hanggan o kaya naman ay “wantu-sawa”. Darating ang panahon na kailangan natin lisanin ang mundong ito para humarap sa ating Panginoon. Nuong ako’y atakehin ang matinding asthma noong nakaraang November 14, 2023 na halos hindi na ako maka-hinga. Ang akala ko’y mamamatay na ako.

Habang ako ay isinusugod sa Ospital (Lung Center of the Philippines) 8:15 ng gabi. Nagdasal na ako ng mataimtim dahil ang akala ko ay katapusan ko na. Ang akala ko ay duon na talaga magtatapos ang buhay ko dahil halos hindi na ako makahinga dahil sa tindi ng aking asthma.

Sakaling natuluyan kaya ako nuong November 14, 2023. Ano kaya ang ipagsusulit ko sa Panginoong tungkol sa talentong ipinagkaloob at ipinagkatiwala niya sa akin? (Mateo 25:19-27) kagaya kaya ako ng dalawang katulong na iningatan ang yaman ng kanilang amo at pinayabong o gaya lang ako ng katulong na ibinaon sa lupa ang kayamanan ng kaniyang amo. Hindi ko masasabi.

Ang aral na itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo, habang tayo ay nabubuhay dito sa ibabaw ng mundo. Samantalahin natin ang pagkakataon para pagyamanin at ingatan ang talento o mga bagay na pinagkatiwala sa atin ng Panginoon katulad ng dalawang katulong. Huwag natin tularan ang katulong na naging kampante at tamad. Minsan lamang tayong mabubuhay. Huwag natin sayangin ang pagkakataon.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon, turuan mo po kami na ingatan ang mga bagay na ipinagkaloob at ipinagkatiwala mo po sa amin. Sana ay ingatan naming ito at pagyamanin katulad ng dalawang katulong na naging matalino sa pangangasiwa sa mga bagay na ipinagkaloob at ipinagkatiwala sa kanila.

AMEN