bro marianito

Huwag tayong hihinto sa paggawa ng kabutihan kahit na may mga tao ang namumuhay sa kasamaan (Mateo 13:24-43)

368 Views

Sinabi ni Hesus, “Ang kaharian ng Langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid. Isang gabi, habang natutulog ang mga tao. Dumating ang kaniyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis”. (Mateo 13:24-25)

NAHAHATI SA DALAWANG URI NG TAO ang nabubuhay dito sa ibabaw ng mundo. Ang mga taong nagsisikap mamuhay sa kabutihan at sumusunod sa kalooban ng Diyos at ang mga tao naman na mas kinagigiliwan pa ang paggawa ng kasamaan – sila ang mga taong ayaw lumaban ng parehas.

Samakatuwid, hindi lahat ng tao na naririto sa ibabaw ng lupa ay mga mababait o mabubuti. Tanggapin natin ang katotohanan na mayroon talagang mga taong “maiitim ang buto”. Hindi lamang natin lubos na maunawaan kung bakit mas pinipili pa nila ang gumawa ng kasamaan kaysa sa kabutihan.

Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan para piliin ang buhay na nais nating tahakin dito sa ibabaw ng lupa. Tayo ba ay mamumuhay sa kabutihan o mas nanaisin natin ang mamuhay sa kasamaan. Subalit, pagdating ng araw. Huhusgahan tayo ng Panginoon batay sa pamumuhay na pinili natin.

Matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Mateo 13:24-43) ang Talinhaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan na isinalaysay ni Jesus. Winika ng Panginoon na dito sa ibabaw ng mundo ay mayroong dalawang klase ng tao. Ang mabubuting binhi at ang mga mapanirang damo. (Mateo 13:24-25)

Ang mabubuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian ng Diyos. Ito yung mga taong sinisikap gumawa ng kabutihan, sila ang inihasik ng Panginoon dito sa ibabaw ng mundo. Ngunit ang mga mapanirang damo ay ang mga taong gumagawa ng kasamaan, sila naman ang inihasik ng Diyablo. (Mateo 13:37-39)

Madalas natin nababasa sa mga pahayagan at maging sa internet ang samu’t-saring krimen na nangyayari dito sa ibabaw ng mundo. Minsan, mapapa-isip ka kung umiiral pa ba ang kabutihan dahil sa kaliwa’t-kanan ang kasamaan na para bang ang lahat ng tao ay puro masasama at wala ng mabubuti.

Kaya minsan, may mga tao ang nawawalan ng gana at nananamlay sa kanilang pananalig sa Diyos. Sukdulan nilang masabi na hinahayaan lamang ng Panginoon na umiral at mamayagpag ang kasamaan laban sa kabutihan na para bang wala siyang ginagawa para masugpo ang kabuktutan ng isang tao.

Kapag mas nakikita natin ang pamamayagpag ng kasamaan. Mistulang hinahayaan din natin na magtagumpay ang mga plano ng Diyablo na maghasik pa ng mas maraming mapanirang damo. Sapagkat iyon naman talaga ang kaniyang layunin, ang panghinaan tayo ng loob at mawalan ng gana.

Hindi ibig sabihin na porke’t umiiral o nangyayari ang kasamaan dito sa ibabaw ng lupa ay hinahayaan lamang ito ng Diyos. Hindi niya kailanman hahayaan na mas mangibabaw ang kasamaan laban sa kabutihan. Sapagkat darating ang panahon na huhusgahan ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang ginawa – mabuti man o masa. (Mateo 13:29-30 – 41-42)

Hindi kailanman makaliligtas sa paghuhusga ng Diyos ang mga taong mas pinili pa ang mamuhay sa kabuktutan. Maaaring namamayagpag sila ngayon dito sa ibabaw ng mundo. Ngunit pagdating ng araw, ang lahat ng kasamaang ginawa nila ay kanilang pagbabayaran sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 13:41)

“Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan. Sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay”. “Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa. At kayo ay uusigin sa inyong pagnanasang ubod ng sama”. (Kawikaan 1:19 at 31)

Umiiral o namamayag man ang kasamaan. Hindi ito dapat maging hadlang para tumitigil na rin tayo sa paggawa ng kabutihan. Huwag tayong panghinawaan sa paggawa ng kabutihan sapagkat nakikita ng Diyos ang ating pagsisikap na sumunod sa kaniyang kalooban. Dahil diyan, tayo ay gagantimpalaan ng Panginoon.

Mas mag-focus tayo duon sa mga mabubuting nangyayari sa ating paligid. Huwag lamang natin ituon ang ating pansin sa mga masasama. Dahil kung ang atensiyon natin ay laging nakatutok kasamaan. Ang ibig sabihin nito ay mas binibigyan natin ng pansin ang Demonyo kaysa sa Panginoong Diyos.

Kaya sadyang inihahasik ng Diyablo ang mga masasamang tao dito sa mundo (mapanirang damo) ay para talaga manghina ang pananampalataya ng mga mabubuting tao (mabubuting binhi). Sinsira ng Demonyo ang magandang plano ng Panginoong Diyos para sa mga taong sumusunod sa kaniyang kalooban.

Sa paghahasik ng Panginoon ng mabubuting binhi. Nangangahulugan lamang ito na maganda ang kaniyang plano. Subalit ang mga magagandang plano ng Diyos ay sinisira mismo ng Demonyo. Kaya hahayaan ba natin na masira ang magandang plano ng Panginoon para sa atin? Hayaan ba natin mas maimpluwensiyahan pa tayo ng mga masasama at tumulad narin sa kanila?

Ang leksiyon na itinuturo ng Ebanghelyo ay magpatuloy lamang tayo sa paggawa ng kabutihan at huwag tayong hihinto sa ating mabubuting gawain sapagkat hindi natutulog ang Panginoon. Nalulugod ang Diyos sa mga taong sinisikap magpaka-buti at kinasusuklaman naman niya ang mga taong tampalasan.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon naming Diyos sikapin nawa po namin na mamuhay sa kabutihan at sumusunod sa iyong kalooban. Huwag po sana kaming matangay ng kasamaan. Sa halip, magawa namin na akayin ang mga kapatid namin na naliligaw ng landas at madala patungo sa landas ng kabutihan.

AMEN