bro marianito

Huwag tayong huminto sa paggawa ng kabutihan dahil lamang may mga taong masama sa atin (Mateo 9:32-38)

402 Views

“Nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y nanlulupaypay at litong-lito, parang mga tupang walang pastol”. (Mateo 9:36)

MARAHIL ay parte na talaga ng ating buhay dito sa ibabaw ng mundo ang makatagpo at makasalamuha ang mga taong kritiko. Ito yung mga klase ng tao na kahit gumagawa ka na ng kabutihan ay pipintasan o kaya naman pupulaan pa rin ang iyong mabubuting gawa.

Ang iba ay madaling nasisiraan ng loob o nade-demoralize sa mga hindi magagandang salita at kritisismo na ipinupukol laban sa kanila ng ibang tao kaya itinitigil na lamang nila ang mabuting ginagawa nila para sa kanilang kapwa dahil nawalan na sila ng gana.

Tanggapin natin ang katotohanan na hindi ibig sabihin na kapag ikaw ay gumagawa ng kabutihan sa iyong kapwa ay magiging mabuti na rin sa iyo ang ibang tao. Hindi ibig sabihin na kapag ikaw ay gumagawa ng kabutihan ay makakatanggap ka din ng kabutihan mula sa kanila.

Ang malungkot na katotohanan ay iyong gumagawa ka na nga ng kabutihan para sa ibang tao. Subalit may ibang tao pa rin ang gumagawa ng kasamaan laban sayo.

Naging mabuti ka na nga sa iyong kapwa pero may iba naman na ginawaan ka pa rin ng masama.

Gayunpaman, ang ibig sabihin ba nito na kapag ikaw ay nakakaranas ng masamang gawain mula sa ibang tao ay ihihinto mo narin ang paggawa ng kabutihan para sa iyong kapwa?

Ititigil mo na ba ang paggawa ng kabutihan dahil lamang mayroon mga taong tuwang-tuwa na ginagawaan ka nila ng kasamaan? Ihihinto mo na rin ba ang kabutihang ginagawa mo dahil lamang may mga taong masasama at hindi mabait sayo?

Ganito ang naranasan ng ating Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Mateo 9:32-38) kung saan matutunghayan natin kung papaano ni Hesus pinagaling ang isang pipi na sinasapian ng demonyo.

Mababasa natin sa kuwento ng Ebanghelyo na pinagaling ni Hesus ang batang pipi (Mateo 9:32-33). Nilibot niya ang lahat ng mga bayan at nayon para magturo sa Sinagoga at ipangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. (Mateo 9:35).

Sa kabila ng mga kabutihang ginawa ng ating Panginoon para sa mga tao, ano ang naging reaksiyon ng mga Pariseo patungkol kay Hesus? Mabuti na ang ginawa niya subalit pinaratangan pa siya na kaya lamang siya nakakapagpagaling ay dahil sa kapangyarihan ng mga demonyo.

“Subalit sinabi naman ng mga Pariseo, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga dmonyo”. (Mateo 9:34)

Kahit ganito ang naging reaksiyon ng mga kritiko ni Hesus, huminto ba ang ating Panginoon sa paggawa ng kabutihan para sa mga tao? Itinitigil ba ni Hesus ang kaniyang mga ginagawa dahil lamang hindi natutuwa ang mga Pariseo sa kaniya?

Hindi huminto ang ating Panginoon, tandaan lamang natin na hindi tayo gumagawa ng kabutihan para lamang matuwa ang ibang tao sa atin.

Gumagawa tayo ng kabutihan hindi para “I-please” ang ibang tao kundi kaya natin ito ginagawa ay dahil para sa Panginoong Diyos.

Bakit ba tayo nagpapakabait? Nagpapakabait tayo sapagkat ito ang pagtanaw natin ng utang na loob at pasasalamat sa pagmamahal at kabutihan ng Diyos para sa atin.

Itinuturo ngayon ng Pagbasa na huwag tayong huminto sa paggawa ng kabutihan sa ating kapwa kagaya ng ipinakita ng ating Panginoong Hesus.

Ipagpatuloy natin ang paggawa ng kabutihan kahit na hindi mabuti ang ibang tao sa atin.

Ang sabi ng isang Pari sa kaniyang Homily na “When we good, when we are generous, we give Glory to God”. Nakikita ng Diyos ang lahat ng mabubuting ginagawa natin kaya darating ang araw, ang lahat ng kabutihan natin ay aanihin natin sa tulong ng Diyos.

Kailangan ng mundo ang mga taong mabubuti kaya hindi tayo dapat huminto sa paggawa ng kabutihan, ano na lamang ang mangyayari sa ating mundo hihinto tayo sa paggawa ng kabutihan dahil lamang sa pagpuna sa atin ng ibang tao tulad ng mga Pariseo?

Marami ang nangangailangan sa ating kabutihan kaya huwag tayong magpa-apekto sa sinasabi ng ibang tao laban sa atin.

Magpatutloy tayo sa ating kabutihan sapagkat ang mabuting gawain ay pinagpapala ng ating Panginoong Diyos.

AMEN