bro marianito

Huwag tayong mainggit at sa halip ay makuntento tayo sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Panginoong Diyos (Mateo 20:1-16)

350 Views

‘Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba’y naiinggit dahil ako’y nagmamagandang loob sa iba?”

AMININ man natin o hindi, likas sa mga tao ang pagiging maiinggitin. Iyon bang madali silang mainggit sa kung anoman ang mayroon ang ibang tao. Kapag nakita niya ang kaniyang kapit-bahay na may bagong kasangkapan sa bahay. Hindi siya magpapa-daig bibilli din siya kagaya nung sa kaniyang kapit-bahay.

Hindi na baleng magka-utang-utang siya o malubog siya sa pagkaka-utang basta’t magkaroon lamang siya ng mga bagay kagaya duon sa taong kina-iinggitan niya. Handa niyang pasanin ang malaking responsibilidad sa taong pinagka-utangan niya huwag lamang siyang masapawan.

Ang hindi natin alam, ang inggit o selos ay kinamumuhian ng Panginoong Diyos. At sa katunayan ito ay itinururo sa Banal na Kasulatan bilang isang mabigat na kasalanan. Subalit sa kasamaang palad, ito ang ginagawa ng mga tao na para bang normal na lamang sa kanila ang mainggit sa kanilang kapwa.

“Nakikita ko ring ang tao’y nagpupunyagi upang mahigitan ang kapwa. Wala rin itong kabuluhan at mauuwi sa wala.” (Mangangaral 4:44)

Nang likhain ng Diyos ang daigdig. Umiral na ang inggit nuong unang panahon pa lamang na naganap sa magkapatid na sina Cain at Abel (Genesis 4:1-15). Hindi ba’t pinatay ni Cain ang kaniyang kapatid dahil sa pag-aakalang nitong mas kinagihiliwan ng Panginoon si Abel. (Geneses 4:3-8)

Ganito rin ang matutunghayan natin ngayon sa Mabuting Balita (Mateo 20:1-28) na pumapatungkol sa kuwento ng pagka-inggit kasama na rin ang pagiging ganid (greed) ng mga tao na naglalawaran sa “Talinghaga tungkol sa mga manggagawa sa ubasan” na dapat natin pagnilayang mabuti.

Ipinapakita sa Ebanghelyo ang pagiging generous o mayroong mabuting loob ang may-ari ng ubasan. Sapagkat binigyan niya ng pagkakataon ang lahat ng tao na makapag-trabaho sa kaniyang ubasan. Wala siyang itinatangi o paboritismo kaya ang lahat ay binigyan niya ng pagkakataon.

Ang may-ari ng ubasan ay naglalarawan sa ating Panginoong Diyos sapagkat ang lahat ng kaniyang nilikha. Mabuti man o masama ay binibigyan niya ng pagkakataong magbalik loob sa kaniya at kaniyang binibiyayaan. Masama ka man o mabuting tao, ikaw ay makakatanggap ng biyaya mula sa ating Panginoon.

Ganito ka-generous ang Panginoon sa lahat ng kaniyang nilikha. Walang siyang paborito o hindi niya pinaiiral ang paboritismo, ang lahat ay pantay-pantay. Iba ang standard ng Diyos sa standard ng tao. Sa alituntunin (standard) ng tao, kung sino ang malakas sa kaniya ay iyon ang pinagpala o namamantikaan.

Subalit sa kabila ng pagiging generous ng Panginoon kagaya ng may-ari ng ubasan sa Pagbasa. Hindi pa rin talaga nawawala ang mga taong inggitero at mga taong ganid (Mateo 20:12) na ang inaakala nila ay pinagkakaitan sila ng biyaya ng Diyos samantalang ang iba’y pinagpala.

Minsan, napaka-hilig natin kumpara ang ating sarili sa ibang tao. Lagi natin sinasabi na “Eh’ bakit siya mayroong malaking bahay, samantalang ako nakatira dito sa barong-barong?” Bakit siya marami siyang pera samantalang ako eh’ naghihikahos at wala kahit singkong duling?”.

Ganito ang madalas natin idinadaing. Lagi tayong nagre-reklamo at nagmamaktol sa mga bagay na mayroon ang ating kapwa. Samantalang hindi naman natin nakikita ang biayayang ipinagkaloob ng Panginoon sa atin. Maaaring mayroon tayo na wala ang iba at mayroon naman ang iba na wala sa atin.

Katulad sa kuwento ng Ebanghelyo. Ang mahalaga ay hindi tayo nilalamangan ng Diyos at binibigyan parin niya tayo ng biyaya mabuti man o masama ang ating ginawa. Kung tutuusin, wala tayong karapatang kuwestiyonin ang Panginoon. Sapagkat hindi natin maaaring obligahin ang Diyos na biyayaan tayo. Siya ang magde-desisyon kung gusto niya tayong biyayaan o hindi.

Minsan, bakit hindi rin natin tanungin ang ating mga sarili. Nagawa ba natin magpasalamat sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin maliit o malaki man ang natanggap nating biayaya? Ang mahirap kasi sa atin ay puro lamang tayo reklamo. Kulang na kulang naman tayo sa pagpapasalamat.

Minsan, tanungin din naman natin ang ating mga sarili. Sa tingin mo bakit umaasenso at pinagpala ng Panginoong Diyos ang iyong kapwa? Kaya siya pinagpapala ay dahil masipag siya, nagsisikap siya at talagang iniingatan niya ang mga biyayang ipinagkakaloob sa kaniya ng Diyos.

Habang ikaw naman, wala ka ng ginawa kundi mag-reklamo at sa kauting hirap ay magwi-wika ka ng “Buwisit na buhay ito!”. Tapos napaka-tamad mo pa, ayaw kang magbanat ng buto para maghanap ng trabaho. Mas gusto mo pa ang umistambay at makipag-inuman maghapon. Paano kang biyayayan ng Diyos?

Huwag mong kainggitan ang ibang tao. Unahin mong tingnan ay ang iyong sarili at itanong. Pinagdamutan ba ko? Hindi ba ko nakakatanggap ng biyaya? Nagagawa ko bang magpasalamat sa kaunting biyaya na ibinigay sa akin ng Diyos? Bago tayo mag-reklamo sa Panginoon ay itanong muna natin ito sa ating mga sarili.

Ipinapaala-ala sa atin ngayon ng Ebanghelyo na huwag tayong mainggit sa ating kapwa. Sapagkat hindi naman tayo pinababayaan ng Diyos dahil tayo ay kaniyang binibigyan ng mga biyaya. Ang tanong lamang ay kung ano ang ating iginaganti sa kabutihan ng Panginoon sa atin.

MANALANGIN TAYO

Panginoon naming Diyos, turuan mo po kami na matutong makuntento at magpasalamat sa munting biyayang ipinagkakaloob mo po sa amin. Nawa’y huwag po kaming mainggit at sa halip ay ma-appreciate ang mga biyayang ibinibigay mo. Ganito din sana ang gawin ng aming mga kapatid.

AMEN