Calendar

Iba pang sabit sa war on drugs ng Duterte admin habulin sa lokal na piskalya
MATAPOS maaresto si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity, sinabi ng isang mambabatas na dapat ding habulin ang iba pang kasabwat sa madugong war on drugs campaign at kasuhan ang mga ito sa lokal na korte.
Binigyang-diin ni Bataan Rep. Geraldine Roman, chairperson ng House committee on women and gender equality, na hindi lamang ang dating pangulo ang nasa likod ng madugong giyera kontra iligal na droga.
“Now, with regards to the others… Nandidiyan din ‘yung ating mga local prosecutors,” ani Roman sa isang press conference noong Martes.
“Yes, everybody who was involved in that war against drugs and the EJKs may have some degree of culpability, and what comes to mind right now is ‘yung command responsibility,” dagdag pa niya.
Iginiit niya na bagaman ang pagkakasala ay madalas na itinuturing na personal na pananagutan, hindi maaaring palagpasin sa responsibilidad ang mga pinunong nagdisenyo at nagpatupad ng mararahas na polisiya.
“There are claims that guilt is only personal, but what about…in cases like kidnapping, hindi ba ang mastermind mayroon din degree of culpability? The brains behind that policy, the man who designed that policy, dapat meron siyang responsibility rin sa usapin na ito,” ani Roman.
Sa isinagawang imbestigasyon ng House quad committee, natuklasan ang partisipasyon ng ilang pangunahing opisyal ng pulisya, kabilang si dating Philippine National Police (PNP) Col. Royina Garma, sa mga pang-aabuso umano kaugnay ng giyera kontra droga.
Ipinunto rin ni Roman na bagaman nakatuon ang International Criminal Court (ICC) sa malalaking personalidad, may responsibilidad ang mga lokal na awtoridad na papanagutin ang low-ranking officials.
“Usually, kasi naririnig kong mga kaso sa ICC is ‘yung mga prominent figures talaga eh. Even doon sa mga war crimes, usually mga national figureheads,” aniya.
“But I guess this is also the nature of the ICC. Kasi nga the ICC was established to reaffirm the importance of a rules-based order around the world,” dagdag pa niya.
Bukod sa paghahanap ng hustisya para sa mga biktima, sinabi ni Roman na ang pag-aresto kay Duterte ay dapat magsilbing matibay na mensahe sa mga opisyal ng gobyerno na walang sinuman ang makaliligtas sa pananagutan at dapat manaig ang batas.
“Aside from obtaining justice for the victims, parang statement din ‘to sa buong mundo na kailangan mahalaga na panaigin ang mga batas sa lahat ng kaso,” aniya.
Dagdag pa niya na bilang isang sibilisadong bansa, dapat ipakita ng Pilipinas ang pagpapahalaga nito sa hustisya at pananagutan.
“Kung tayo ay civilized country, kung tayo ay civilized community of nations,” wika pa ni Roman.