Valeriano

Ibibigay na 20% discount ng SMC para sa mga senior citizens, PWDs ikinagalak

Mar Rodriguez Jan 25, 2024
117 Views

IKINAGALAK chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagbibigay ng San Miguel Corporation (SMC) ng 20% discount sa toll fee para sa mga Senior Citizens at Persons with Disability (PWDs).

Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, House Committee on Senior Citizens at Special Committee on PWDs. Tiniyak mismo ng kinatawan ng SMC ang pagbibigay nila ng 20% discount sa toll fee para sa mga Senior Citizens at PWDs alinsunod naman sa itinatakda ng batas.

Dahil dito, pinapurihan ni Valeriano ang hakbang ng SMC na itinuturing nitong isang malaking pagkilala sa karapatan ng mga matatanda at mga taong may kapansanan na mabigyan ng insentibo o discounts. Habang hinihikayat din nito ang iba pang mga kompanya na tularan nila ang SMC.

Nauna rito, hinihikayat ni Valeriano ang iba pang business establishments na tularan ang sikat na “coffee chain” na Starbucks matapos nitong tanggalin ang “signage” sa kanilang outlet na naglilimita sa 20% discount para sa mga Senior Citizens at PWDs na inilalaan ng batas para sa kanila.

Ipinaliwanag ng kongresista na malaking tulong para sa mga Senior Citizens at PWDs ang ipagkakaloob na 20% discounts ng toll fees sapagkat halos lahat ng mga matatanda ay halos umaasa na lamang sa pensiyon. Samantalang ang mga PWDs naman ay nahihirapan magtrabaho dahil sa kanilang kalagayan.

Ipinabatid naman ni Manila 1st Dist. Congressman Ernesto “Ernix” M. Dionisio, Jr. na ang proseso para makakuha ng discount ang mga matatanda at taong may kapansanan o PWDs ay kinakailangan nilang ipa-rehistro ang kanilang sasakyan na nakapangalan mismo sa kanila.

Sinabi pa ni Dionisio na ang naging pagdinig ng Committee on Ways and Means ay pagpapakita lamang kung gaano ka-seryoso ang liderato ng Kamara de Representantes na mapangalagaan ang interes at kagalingan o welfare ng mga Senior Citizens at PWDs.