ICC

ICC TINULDUKAN APELA NI FPRRD; PAGLILITIS SA ‘CRIMES AGAINST HUMANITY’ TULOY

27 Views

PINAGTIBAY ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang hurisdiksyon nito laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Sa desisyon na inilabas nitong Miyerkules, Abril 22, ibinasura ng mga hukom ang lahat ng apat na argumento ng kampo ni Duterte, at kinatigan ang naunang ruling ng Pre-Trial Chamber I noong Oktubre 28 na nagsasabing may kapangyarihan ang ICC na dinggin ang kaso.

Ayon kay Presiding Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza, “Having rejected the entire appeal, the Appeals Chamber considers that the defense request for the immediate and unconditional release of Mr. Duterte is moot.”

Ibig sabihin, hindi na rin pinaboran ang hiling ng depensa na agad na palayain ang dating pangulo.

Sa botohan, mayorya ng mga hukom ang pumanig sa pagbasura ng apela, bagamat may isang hukom na naglabas ng bahagyang pagtutol sa isang bahagi ng desisyon.

Ipinaliwanag din ng korte na wala itong nakitang pagkakamali sa interpretasyon ng mga probisyon ng Rome Statute, at iginiit na hindi maaaring iwasan ng isang bansa ang pananagutan sa pamamagitan lamang ng pag-alis sa kasunduan kung may iniimbestigahang krimen na.

Binigyang-diin ng ICC na ang layunin ng batas ay papanagutin ang mga sangkot sa mabibigat na krimen at maiwasan ang impunity.

Isinagawa ang paglalabas ng desisyon sa open court, kahit hindi personal na dumalo si Duterte na kinatawan ng kanyang abogado na si Nicholas Kaufman.

Sa hiwalay na abiso, sinabi ng ICC na hiwalay pa ang desisyong ito sa usapin kung tuluyang kokompirmahin ang mga sakdal laban kay Duterte, na inaasahang ilalabas bago o sa Abril 28.

Si Duterte ay nahaharap sa mga alegasyon ng murder at attempted murder na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa pagiging pangulo.

Naaresto siya noong Marso 12, 2025 at kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC habang nagpapatuloy ang proseso ng kaso.