Ika-54 na LEDAC priorty bill pasado na sa Kamara

Mar Rodriguez Jan 24, 2024
134 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang isa pang priority bill ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Sa pag-apruba ng panukalang PH Self-Reliant Defense Posture Program (House Bill 9713), umakyat na sa 54 sa 57 priority bills ng LEDAC ang natapos na ng Kamara na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Layunin ng panukala na mapalakas ang national defense industry ng bansa.

Sa botong 194 na pabor, tatlong tutol at walang abstention, inaprubahan ng Kamara ang HB No. 9713, na layong suportahan ang pagsusulong ng lokal na produksyon ng kagamitan na tumutukoy sa military technology, makinarya gaya ng armas, bala at kasuotan.

“The bill provides that the concept of self-reliance shall be manifested in the continued preference on local production of materiel, when feasible, for the country’s defense forces through the partnership between the military and civilian establishments,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Recourse to importation will only be resorted to for requirements that cannot be locally produced. The bill essentially provides for government support to the technical and financial needs of civilian manufacturers materiel,” dagdag niya. “The aim is to develop the defense capability of the country and rationalize defense acquisition.”

Nakasaad sa Section 6 ng panukala na pahihintulutan ang in-country enterprises na may kinalaman o nais maging bahagi ng pagbuo, pagsasaayos at operasyon ng kagamitan ng gobyerno na irerehistro sa Board of Investments at maaaring makakuha ng insentibo sa ilalim ng National Internal Revenue Code.

Itatatag naman ang Office of the Undersecretary for Defense Technology Research and Industry Development, salig sa Section 14 ng panukala na siyang mamamahala sa databank ng pagsusuri, pananaliksik at pagpapaunlad sa defense industry.

Magbubukas din ng isang Self-Reliant Defense Posture Trust Fund na ang pondo ay manggagaling sa natipid na pondo mula sa taunang net income ng government arsenal, bahagi ng kita ng gobyerno mula sa kita ng mga reclamation project na tutukuyin ng presidente at iba pang maaaring pagkunan na tutukuyin ng Department of National Defense (DND).

Sina Reps. Raul “Boboy” Tupas, Albert Garcia, Ralph Recto, Arnan Panaligan, Mercedes Alvarez, Florida “Rida” Robes, John Tracy Cagas, Loreto Acharon, Divina Grace Yu, Jeyzel Victoria Yu, Rufus Rodriguez, Noel “Bong” Rivera, Shernee Tan-Tambut, Samier Tan, Fernando Cabredo, Keith Micah “Atty. Mike” Tan, Ma. Cynthia Chan, Eleanor Bulut-Begtang, Ernesto Dionisio Jr., Drixie Mae Cardema, Zia Alonto Adiong, Jorge “Patrol” Bustos, Jonathan Keith Flores, Jose Alvarez, at Lex Anthony Cris Colada ang nagsulong sa panukala.

Ang tatlong nalalabing prayoridad na panukala na maipasa ng LEDAC sa Kamara ay ang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act, ang Budget Modernization Bill, at National Defense Bill.