Ikabubuti ng Alas asin pinag-usapan ng CIDG chief, brgy. chair

Christian Supnad May 31, 2025
368 Views

MARIVELES, Bataan–Gusto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na manatili ang kapayapaan at katahimikan sa industrial area sa Brgy. Alas asin ng bayang ito.

Ito ang sentro ng pulong nina P/Maj. Christopher Dulagan, provincial chief ng CIDG-Bataan, at Punong Barangay Florante Malimban.

Ayon kay Malimban, layunin ng kanilang pag-uusap na tukuyin ang mga paraan kung paano makakatulong ang CIDG sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at kaligtasan sa kanilang komunidad.

Ibinahagi naman ni Maj. Dulagan ang mga inisyatibong maaaring ipatupad upang mas mapalakas ang kampanya kontra kriminalidad at mas mapagtibay ang ugnayan sa pagitan ng CIDG at pamahalaang barangay.

Kabilang sa mga natalakay ng dalawang opisyal ang pagpapalakas ng community policing, pagtugon sa mga reklamo at isyu ng mamamayan, at ang pagpapalalim ng kooperasyon upang agad na masolusyunan ang mga problemang may kaugnayan sa seguridad.

Nagpahayag din ng buong suporta sa CIDG si Malimban at tiniyak na bukas ang barangay sa anumang kolaborasyon na makatutulong sa kapakanan ng mga residente.