Calendar
Ikinasang buwanang job fair ni PBBM ikinagalak
BILANG chairman ng House Committee on Poverty Alleviation at nangungunang tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga mahihirap na mamamayan, ikinagalak ni 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang ikinasang “buwanang job fair” ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Ayon kay Romero, ang inilunsad na buwanang job fair ng administrasyong Marcos, Jr. ay maituturing na isang epektibong pamamaraan para unti-unting solusyunan ang problema ng bansa kaugnay sa unemployment na naka-angkla sa usapin ng kahirapan.
Ipinaliwanag ni Romero na kaya nararanasan ng ilang mahihirap na mamamayan ang karalitaan ay dahil wala silang mapasukang maayos na trabaho na sinusundan pa ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin na lalong magpapahirap sa kanilang kalagayan.
Kumpiyansa ang kongresista na ang pagkakaroon ng buwanang job fair ang inaasahang tutugon sa problema ng unemployment sa bansa kasunod ng pagtaas sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho batay sa pag-uulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Pinapurihan din ni Romero ang pahayag ng Pangulong Marcos, Jr. sa kaniyang talumpati matapos tiyakin ng Punong Ehekutibo na sisikapin nitong palawakin pa ang employment opportunities sa pamamagitan ng pagsasagawa ng regular na career events.
Batay sa inilabas na datos ng PSA, tinatayang nasa 3.2 porsiyento ng mga Pilipino ang walang trabaho noong Nobyembre ng nakaraang taon (2024). Kung saan mas mababa ang bilang na ito sa 3.6 porsiyento na naitala naman noong 2023.