Trump Nakausap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa telepono si US President-elect Donald Trump.

Illegal na Pinoy sa US tinutukan na ng ambassador–PBBM

Chona Yu Nov 19, 2024
62 Views

INAAYOS na ng ambassador ng Pilipinas sa Amerika ang problema tungkol sa 200,000 Pilipino na mga illegal immigrant.

Ginawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pahayag matapos makausap sa telepono si US President-elect Donald Trump.

Sa naturang pag-uusap, ipinaabot ni Pangulong Marcos ang pagbati sa pagkakapanalo ni Trump.

Gayunman, hindi pinag-usapan ng dalawang lider ang usapin tungkol sa 200,000 Pilipino na mga illegal immigrant.

“We didn’t talk about that, it was just a congratulatory talk, but of course our ambassadors are already working on it,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Target ni Pangulong Marcos na makipagkita kay Trump sa lalong madaling panahon.

Tugon ni Trump, maaaring mangyari ang pag-uusap nila ni Marcos sa White House.

Sa Enero ng susunod na taon, uupo sa White House si Trump bilang bagong pangulo ng Amerika kapalit ni US President Joe Biden.

Una nang sinabi ni Trump na hindi siya mag-aatubili na magdeklara ng national emergency at gumamit ng military assets para maipa-deport ang mga illegal immigrant sa Amerika.