Valeriano1

Imbestigasyon ng Kamara laban sa mga pekenf post sa socmed kinatigan ni Valeriano

Mar Rodriguez Jan 2, 2025
22 Views

ValerianoKINATIGAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang naging pagkilos ng mga kapwa nito kongresista matapos silang maghain ng resolution sa Kamara de Representantes para maimbestigahan ang mga naglipanang peke at malisyosong post sa iba’t-ibang social media platforms.

Nauna rito, pinaiimbestigahan ng pitong mambabatas sa Kamara de Representantes ang mga naglipanang peke at malisyosong post sa iba’t-ibang social media platforms na magdudulot ng matinding kalituhan sa publiko bunsod ng mga maling impormasyon.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na napakahalaga aniya ang pagsasagawa ng masusing pagsisiyasat kaugnay sa nasabing issue. Sapagkat habang lumalaon ay nagiging normal na lamang umano ang pagkalat ng mga fake news sa social media.

Ipinaliwanag ni Valeriano na dahil sa mga nakakalitong impormasyon na naka-post sa social media, hindi na malaman ng mamamayan kung ano ang tama at maling impormasyon na nababasa o nakikita nilang naka-post sa iba’t-ibang social media platforms.

Pagdidiin pa ng kongresista na napakahalaga na mapanatili ang kapani-paniwalang impormasyon sa social media sapagkat ito naman ang totoong layunin ng mga post sa social media platforms — ang magpalaganap ng mga tamang impormasyon at hindi mga fake news na nagdudulot lamang ng pagkalito ng publiko.

Nakasaad naman sa House Resolution na isinulong ng pitong kongresista na kasabay ng pagdami ng gumagamit ng social media ay kasunod naman nito ang pagkalat ng mga maling impormasyon na nagpapalito sa publiko, sumisira sa reputasyon ng mga indibiduwal at gumagambala din sa kapayapaan ng bansa.

“False and malicious content has also been exploited by unscrupulous individuals to promote scams, cyberbullying and other activities that negatively impact public safety and order,” ayon sa nilalaman ng Resolution.