Valeriano

Imbestigasyon ng Kongreso sa kaso ng siklista kinatigan

Mar Rodriguez Aug 31, 2023
250 Views

KINAKATIGAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagpapatawag ng imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiyal na kaso ng siklistang tinutukan ng baril ng dating pulis na si PO1 Willie Gonzales.

Nauna nang sinang-ayunan ni Valeriano ang pagsasagawa ng Kamara de Representantes ng masusing imbestigasyon patungkol sa kasong kinasasangkutan ni Gonzales matapos ang ginawa nitong pangba-batok at panunutok ng baril sa isang siklista na hindi na binanggit ang pangalan.

Dahil dito, inihain ni 1-Rider Party List Congressman Bonifacio L. Bosita ang House Resolution No. 1231 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para magsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Public Order and Safety ng masusing pagsisiyasat hinggil sa nasabing kaso.

Ipinaliwanag ni Valeriano na layunin ng imbestigasyon na mas lalo pang mabigyan ng pangil ang mga batas para maprotektahan ang mga mamamayan laban sa mga abusado at mala-sangganong tauhan ng Philippine National Police (PNP) na tulad ni Gonzales kahit pa sabihing ito ay isang retiradong pulis.

Binigyang diin ni Valeriano na kaya malalakas ang loob ng mga pulis o mga dating pulis na kauri ni Gonzales dahil sa pag-aakala nilang malulusutan ng mga ito ang anomang asunto na kakaharapin nila sakaling magsampa ng kaso ang isang taong inagrabyado nila gaya ng nangyari sa siklista.

Sinabi pa ng Manila Congressman na kailangang mapag-aralan din ang posibleng pagbabago sa sa “gun regulations” kabilang na dito ang paghihigpit ng parusa sa mga abusadong active at retired na pulis.

Una ng ipinahayag ni Valeriano na ang ipinakitang pag-uugali ni Gonzales laban sa pobreng siklista ay wala umanong ipinagkaiba sa isang kriminal na walang kinatatakutan at walang iginagalang. Gayong siya (Gonzales) ay isang dating tagapagpa-tupad ng batas.

Kinukuwestiyon din ni Valeriano kung bakit nakakapag-dala pa ng baril si Gonzales sa labas ng kaniyang tahanan. Sa kabila ng siya ay isang retiradong pulis at wala ng dahilan o business pa para magbitbit ng armas na isa umano sa mga dapat tutukan ng isasagawang imbestigasyon ng Kongreso.

Ikinatuwiran pa ng mambabatas na hindi karapat-dapat mag-armas ang mga katulad ni Gonzales na maiinitin ang ulo. Kasunod ng muling pag-uusisa ni Valeriano kung sino ang nagbigay ng pahintulot sa nasabing dating pulis na magdala ng baril sa labas ng kaniyang tahanan ng walang opisyal na kadahilanan.

“It is right to opine that Congress investigates the matter for why is that policeman agitated and bolstered with a gun in possession threatens the life of a powerless? He displays a criminal mind and so indeed he must be de-weaponized. He has retired but does he have business or operation outside home to carry a weapon,” ayon sa kongresista.