Valeriano

Imbestigasyon ng Kongreso ukol sa “gentleman’s agreement” ikinagalak

Mar Rodriguez Apr 18, 2024
136 Views

IKINAGALAK ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang hakbang ng liderato ng Kongreso makaraang aksiyunan nito ang kahilingan ng kapwa nila kongresista na humihiling na imbestigahan ang umano’y “gentleman’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at China.

Ipinaliwanag ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na mahalagang malaman ang katotohanan kaugnay sa nasabing kontrobersiya patungkol sa di-umano’y pinasok na kasunduan ni dating Pangulong Duterte sa usapin ng West Philippines Sea (WPS).

Binigyang diin ni Valeriano na ang karangalan at kasarinlan ng Pilipinas ang nakataya sa kontrobersiyal na usapin. Kung kaya’t napakahalaga na matumbok ang buong katotohanan sa issue ng “gentleman’s agreement” na itinuturing ng mga eksperto na isang treason o pagtataksil sa bayan.

Nauna nang sinabi ni Valeriano na “walang lihim na hindi mabubunyag at walang baho na hindi sisingaw!”. Para sa kongresista, napakahalagang busisiin ng liderato ng Kongreso ang “backdoor agreement” sa pagitan nina Duterte at Xi Jinping dahil posibleng may naganap na panlilinlang.

Ipinaliwanag ni Valeriano na kinakailangang seryosohin ng gobyerno ang kontrobersiyal na usapin patungkol sa nasabing “gentleman’s agreement” dahil mistulang ibinenta o isinangla narin ng pangyayaring ito ang kaluluwa ng mga Pilipino at kasarinlan o sovereignty mismo ng Pilipinas sa WPS.

Ayon naman kay House Majority Leader at Zamboanga City 2nd Dist. Cong. Jose “Mannix” M. Dalipe, inaksiyunan nila ang kahilingan ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st Dist. Cong. Jay Khonghun para imbestigahan ang nasabing kasunduan sa pagitan nina Duterte at Xi Jingping.

“In response to the request of our colleagues led by Assistance Majority Leader Jay Khonghun. The House of Representatives will consider the call to probed the supposed gentleman’s agreement when Congress resumes its regular session next week,” sabi ni Dalipe.