Calendar
Imbestigasyon ng NBI vs pekeng balita sinuportahan
KINATIGAN ni Senador Sherwin Gatchalian ang desisyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon sa mga vlogger na inirereklamo dahil sa pagpapakalat ng pekeng balita.
Ayon sa senador, mas lumalawak ang pagdepende ng mga Pilipino sa social media bilang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon, dahilan upang lumala ang paglaganap ng disimpormasyon na.sinasamantala ng ilan sa mga ito.
“Due to increasing propensity of our people to rely on social media for information, the proliferation of fake news has increased over the years, necessitating the need for government intervention,” ayon kay Gatchalian sa kanyang pahayag.
Binigyang-diin ng senador na isang seryosong banta sa tiwala ng publiko ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Dahil dito, hinimok niya ang NBI na sampahan ng kaukulang kaso ang mga taong sinasadya ang pagpapalaganap ng kasinungalingan sa internet.
“I fully support the National Bureau of Investigation’s decision to probe vloggers peddling fake news. This is a serious threat to public trust, and the NBI should not hesitate to file appropriate charges against those who deliberately cause disinformation,” aniya.
Nagbabala rin si Gatchalian hinggil sa masamang epekto ng maling impormasyon, lalo na kung nagdudulot ito ng pagkakawatak-watak at humahadlang sa pag-unlad ng bansa.
“Hindi tayo papayag na basta na lang naghahasik ng kasinungalingan at pagmamanipula ang ilang indibidwal lalo na kung ito ay nakakaapekto sa ating pagkakabuklod-buklod at pag-unlad,” ayon sa senador.
Dagdag pa niya, ang pagpapakalat ng pekeng balita upang pagwatak-watakin ang opinyon ng publiko ay hindi dapat palampasin.
“Fake and malicious news that tend to polarize public opinion on certain issues should never be tolerated as they only undermine trust in democratic processes and cause divisiveness,” ani Gatchalian.
Kamakailan ay kinumpirma ng Cybercrime Division ng NBI na kanilang mino-monitor ang humigit-kumulang 20 vlogger na pinaghihinalaang nagpapakalat ng pekeng balita. Dalawa sa kanila ay mayroon nang nakabinbing warrant of arrest, subalit hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang mga detalye ukol sa kanilang pagkakakilanlan.
Ang paglaganap ng pekeng balita ay isa nang matagal nang isyu sa Pilipinas, lalo na sa patuloy na pagdami ng Pilipinong umaasa sa social media bilang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon.
Dahil dito, ilang mambabatas, kabilang si Gatchalian, ang nananawagan ng mas mahigpit na hakbang laban sa disimpormasyon upang maprotektahan ang publiko at mapanatili ang tiwala sa mga demokratikong institusyon.
Wala pang inilalabas na pormal na kaso ang NBI laban sa mga iniimbestigahang indibidwal.