Fernandez

Imbestigasyon ng quad comm hindi nadidiktahan — Rep. Dan Fernandez

180 Views

ITINANGGI ni House committee on public order and safety chairman at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na nadidiktahan ang quad committee ng Kamara de Representantes kaugnay ng imbestigasyon nito sa iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO), bentahan ng iligal na droga at mga kaso ng extrajudicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Sinabi ni Fernandez na hindi maaaring diktahan ng liderato ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon ng mga komite nito.

Ayon kay Fernandez, hindi rin si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang bumuo ng quad committee.

“So if they accuse the Speaker that we created this, or that happened because of the Speaker’s directive, that is so unfair,” ani Fernandez. “And I myself, I would not allow myself to be used for a political agenda. After all, I’m not running for any higher position. I mean for a national (post), and this would not affect us,” sinabi ng mambabatas.

Ang pahayag ni Fernandez ay tugon sa tanong kaugnay ng sinabi ni Sen. Ronald Dela Rosa na mayroong mataas na opisyal na nagdidikta sa quad committee bilang bahagi umano ng plano na sirain ang anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ang war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinunto ni Fernandez na mahigit 300 ang mga kongresista sa Kamara at mahirap umano na diktahan ang lahat ng ito.

Isa rin umanong kalokohan na suhulan ang mga tumetestigo sa pagdinig dahil maaaring lumabas ang mga ito sa telebisyon para sabihin na sila ay pinipilit na tumestigo.

“Especially if the evidence will be cooked by us just to cater to certain personalities like the Speaker, that’s hard. What if the people we talked to suddenly talk about that during the hearing? That will put us in a precarious position,” wika pa ng mambabatas.

Mahirap umano na diktahan ang isang resource person dahil maaaring bumaliktad ang mga ito.

Kuwento ni Fernandez, nabuo ang quad committee dahil napansin nila nina Committee on dangerous drugs chair Robert Ace Barbers, Committee on public accounts chair Joseph Stephen Paduano at Human rights committee chair Bienvenido Abante na pare-pareho ang mga resource person na sangkot sa iniimbestigahan ng kani-kanilang komite.

Kinausap umano ng apat na chairperson si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. kaugnay nito kaya siya ay nag-privilege speech at naghain ng resolusyon para ilatag at pagbotohan sa plenaryo ang panukala na buuin ang quad committee.