Calendar

Imbestigasyon sa paglaganap ng love scams, online fraud hiniling
NAGHAIN ng resolusyon si Senador Sherwin Gatchalian upang imbestigahan ang paglaganap ng mga love scams at iba pang online fraud na ginagawa na noon pa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ngayon ay ipinagbabawal na sa bansa.
“Kailangang suriin nating muli at palakasin ang polisiyang pagbabawal sa mga POGO at muling pag-aralan ang paggamit ng mga cryptocurrencies sa bansa,” sabi ni Gatchalian kasunod ng inihain niyang Senate Resolution No. 1317.
Kailangan ng pakikipagtulungan at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa kanilang international counterparts upang bumuo at magpatupad ng mga epektibong interbensyon upang pigilan ang paglaganap na mga love scam at usigin ang mga scammer na nagkalat sa iba’t ibang lugar, dagdag ng senador.
May walong kaso ng online love scam na iniulat ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) nitong Enero ng taon at 72 kaso noong nakaraang taon. Iniulat pa ng Australian Federal Police na humigit-kumulang limang libong Australian ang nabiktima ng isang love scam center na nag-ooperate sa Pilipinas, at humigit-kumulang AUS$24 milyon ang nawala dahil sa pang-iiscam na ito na nakapambiktima ng mga lalaking Australian nationals na may edad 35 hanggang 80 sa pamamagitan ng online dating apps.
Dahil sa POGO lumaganap ang mga love scam, kinakailangang masuring muli at palakasin ang umiiral na pagba-ban sa mga POGO o kaya ay magpatupad ng mas mahigpit na monitoring at enforcement measures, sabi ni Gatchalian.
Dagdag niya, ang mga gumagawa ng mga love scam ay kadalasang gumagamit ng mga sophisticated na taktika, kabilang ang paglikha ng mga pekeng online identities at paggamit ng mga social engineering techniques, habang sinasamantala ang kahinaan ng mga biktima.
“Ang mga mapanlinlang na aktibidad na ito ay madalas na nauugnay sa mga organisadong cybercriminal kabilang ang mga iligal na online gaming operator at mga transaksyong cryptocurrency para hindi ma-detect ang paglilipat ng mga pondo na kanilang nakuha. Karaniwang tinatarget ng mga salarin ang mga biktima sa iba’t ibang lugar gamit ang online platform. Nakalikha na ang mga kriminal na ito ng isang global network upang makapambiktima sila ng mas marami pang indibidwal saan mang sulok ng mundo upang hindi sila basta basta ma-trace,” sabi ni Gatchalian.
“Ang paggamit ng mga cryptocurrencies sa mga scam na ito ay kailangan ding mabisitang muli dahil malaking hamon ito sa mga regulator at mga alagad ng batas lalo na’t umiikot ang pera nang hindi nakikita,” sabi niya.