Rep. Rolando M. Valeriano

Imbestigasyon sa strip search ng mga prison guards sa NBP, sinang-ayunan ni Valeriano

Mar Rodriguez May 14, 2024
132 Views

SINANG-AYUNAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang ibinigay na direktiba ng Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Correction (BuCor) matapos nitong ipag-utos ang pagsasagawa ng imbestigasyon patungkol sa kontrobersiyal na “strip searches” ng mga prison guards.

Ipinaliwanag ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na nararapat lamang na masusing imbestigahan ang nasabing pangyayari para malaman ang puno’t-dulo ng issue at mapanagot ang mga prison guards na umabuso sa kanilang tungkulin.

Binigyang diin ni Valeriano na masyadong nakakababa ng moral o “degrading” ang ginagawang “strip search” ng mga prison guards mula sa National Bilibid Prison (NBP) sapagkat inoobliga ang mga bisita ng mga persons deprived of liberty (PDL) na maghubad ng kanilang damit para sa body search.

Ikinatuwiran ni Valeriano na hindi na kailangan pang maghubad ng damit ang isang bisita para lamang alamin kung mayroon itong dala o kaya’y may itinatagong kontrabando sa kaniyang katawan dahil maaari naman gamitan ng “metal detector” o kapkapan ang isang partikular na bisita.

Ayon sa kongresista, hindi makatao at nabibilad lamang sa matinding kahihiyan ang mga bisita ng PDL dahil sa ayaw at sa gusto nila’y napipilitan silang maghubad ng damit para lamang sumunod sa “strip search policy” na kung tutuusin aniya ay maituturing ng paglabag sa kanilang karapatang pantao.

Sinabi pa ng kongresista na hindi na matatawag na “safety precaution” ang nasabing strip search sapagkat ang hakbang na ito ay maituturing na lantarang paglapastangan sa pagkatao ng isang indibiduwal na kailangan pang malantad ang kaniyang buong katawan sa harap ng mga prison guards.

“Halimbawa yung nanay mo o kapatid mo. Malalaman mong ganuon ang ginawa sa kanila na pinaghubad sila ng damit para lang sa strip search policy. Magugustuhan mo ba? Siyempre hindi, kasi ang pakiramdam mo eh’ parang nilapastangan ang kanilang pagkatao,” sabi ni Valeriano.